Defensor Dating DENR Secretary Mike Defensor

Remulla: Mining claims ni ex-DENR chief Defensor posibleng may conflict of interest

217 Views
Remulla1
Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla
Source: PNA

INILUTANG ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla nitong nakaraang weekend ang mga posibleng isyung etikal at conflict of interest na kinasasangkutan ng dating kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na si Mike Defensor, kaugnay ng umano’y mga mining claim na, aniya, ay dapat suriing mabuti.

Sa kanyang Executive Session radio program sa dzRH noong Sabado, sinabi ni Remulla na nararapat na busisiin ang iniulat na pagkakasangkot ni Defensor sa mga pagmimina, lalo na’t dati itong namuno sa DENR.

“Si Mike Defensor ang daming mining claim nu’n eh,” ani Remulla.

Ayon pa sa Ombudsman, kailangang busisiin ang usapin. “’Yung kay Mike, talagang matindi ’yung nakikita ko roon. Dapat pag-aralan ’yun,” aniya.

Wala namang inihayag na pormal na aksyon si Remulla, subalit iginiit niya na ang mga alegasyong may kinalaman sa etika at conflict of interest ay dapat maingat na tingnan, lalo na kung sangkot ang mga dating opisyal na pinagkatiwalaan sa pangangalaga ng likas na yaman ng bansa.

Kinuwestiyon din niya kung lumalampas na sa mga pamantayang etikal ang sitwasyon, at iginiit ang mataas na pamantayang inaasahan sa mga lingkod-bayan.

Tanong ni Remulla: “Naging DENR Secretary ’yun eh hindi ba? Ano kaya ’yun, unethical kaya ’yun or may conflict of interest?”

Itinuro rin ni Remulla ang lawak ng umano’y interes upang ipaliwanag kung bakit dapat itong masusing suriin.

“May mining claims nga siya hanggang Tawi-Tawi. Iyan ang mabigat na parte ng buhay ng isang government official kasi pag maglilingkod ka sa gobyerno dapat bitawan mo na ’yung puwedeng maging conflict sa iyong trabaho na kung saan ikaw ay magdedesisyon na makikinabang ka, ganu’n iyon eh,” paliwanag niya.

Aniya, ang mga konsiderasyong etikal ay nangangailangan ng mahihigpit na patakaran at hindi dapat minamaliit ang mga posibleng conflict.

“Disqualification talaga dapat ’yan, dapat diyan perpetual eh, perpetual. Ethical consideration ’yan eh,” pahayag ni Remulla.

Habang kinikilala ang mas malawak na mga prinsipyo ng etika sa serbisyong publiko, binigyang-diin ni Remulla ang pagbabantay laban sa mga kuwestiyunableng intensyon sa mismong simula ng panunungkulan.

“Pero ang prinsipyo diyan carries over to the next generation, ethical consideration,” aniya.

“Pagpasok pa lang puro kalokohan na ang nasa isip, maraming ganu’n,” dagdag ni Remulla, nang hindi binabanggit ang anumang partikular na pangalan, habang nagsasalita siya sa pangkalahatang konteksto.