Acidre Tingog Party-list Rep. Jude Acidre

Rep. Acidre pinarangalan bilang ‘Asia’s Trusted Leader for Resilient Public Service’ sa Asia’s Pinnacle Awards 2024

Mar Rodriguez Nov 16, 2024
83 Views

PINARANGALAN si Tingog Party-list Rep. Jude Acidre bilang “Asia’s Trusted Leader for Resilient Public Service” sa prestihiyosong 2024 Asia’s Pinnacle Awards na ginanap noong Biyernes sa Grand Ballroom ng Okada Manila.

Ang pagkilala ay katunayan ng dedikasyon ni Acidre sa serbisyo publiko at sa kanyang mahalagang kontribusyon sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong sa pamamagitan ng kanyang mga proyekto at programa sa Tingog Party-list.

Ang Asia’s Pinnacle Awards, na inorganisa ng Asia’s Golden Icons Awards and Events Inc. (AGIA Inc.), ay nagbibigay-pugay sa kahusayan sa iba’t ibang larangan, mula sa negosyo at serbisyo publiko at entertainment, na kumikilala sa mga indibidwal at organisasyon na nagdudulot ng makabuluhang pagbabago.

Ang Executive Council, na binubuo ng mga kilalang personalidad tulad ni dating Senador Gringo Honasan at Dr. Sergio Ortiz-Luis Jr. na pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), ang nangangasiwa sa pagpili ng bawat awardee na sumasalamin sa katatagan, integridad at pagpapahalaga sa serbisyo.

Ang pagkilala kay Acidre ay nagbibigay-diin sa kanyang natatanging serbisyo at dedikasyon sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino at pagtataguyod ng katatagan at integridad sa pamamahala.

Sa pamamagitan ng Tingog Party-list, pinangunahan ni Acidre ang mga inisyatiba na layuning direkta at agarang tugunan ang pangangailangan ng mga nasa laylayan at hindi naaabot na komunidad sa buong bansa.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, binuksan ang mga Tingog Center sa iba’t ibang rehiyon, na nagsilbing tulay para sa mga mamamayan upang makuha ang mga pangunahing serbisyo at suporta mula sa gobyerno.

Ang mga center na ito ay nagsisilbing pangunahing programa ng Tingog Party-list, na nagpapalawak ng accessibility at outreach sa mga komunidad na nangangailangan.

Bilang pagpapatuloy ng kanyang dedikasyon sa pampublikong kalusugan, ipinatupad ni Acidre ang Kalusugan Karavan, isang mobile health initiative na nagdadala ng mga pangunahing serbisyong medikal sa mga malalayong lugar.

Malaki rin ang naging tungkulin niya sa pagtugon sa mga kalamidad. Sa pakikipagtulungan sa Office of the Speaker, pinangunahan niya ang malawakang relief operation at pamamahagi ng financial assistance sa mga komunidad na nasalanta ng mga nakaraang bagyo, tinitiyak na mabilis na maihahatid ang tulong sa panahon ng krisis.

Bukod dito, itinaguyod din niya ang mga sustainable livelihood program para sa mga mangingisda at mga maralita, na tumutulong sa pagbangon at katatagan ng ekonomiya sa mga rehiyon na apektado ng external challenges.

Bilang pinuno ng House committee on overseas workers affairs, si Acidre ay masigasig na nagtatanggol sa karapatan ng Filipino migrant workers.

Itinaguyod niya ang mas pinadaling access ng suporta mula sa gobyerno para sa mga overseas Filipino workers (OFWs), pinapalakas ang kanilang mga karapatan at nagpapatupad ng mga programa para sa reintegration ng mga umuwing OFW.

Ang kanyang pagtutok — sa lokal at overseas communities — ay nagpapakita ng kanyang inklusibong pamamaraan sa public service.

Ang pagkilala kay Acidre bilang Asia’s Trusted Leader for Resilient Public Service ay hindi lamang kumikilala sa kanyang dedikasyon, kundi isang halimbawa ng uri ng pamumuno na nararapat para sa mga komunidad na hindi nabibigyan ng sapat na serbisyo sa buong Pilipinas.

Ang kanyang pagsusumikap para sa isang makatarungan, mapagmalasakit at inklusibong serbisyo publiko ay patuloy na nagiging inspirasyon at nagtataas sa papel ng pamahalaan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga pinakamahihirap.

Sa pamamagitan ng kanyang mga programa sa Tingog Party-list, si Acidre ay nagtatakda ng isang pamantayan para sa serbisyo publiko na hindi lamang nararamdaman sa loob ng bansa kundi pati na rin sa buong Asya.