Acidre

Rep Acidre sumuporta sa pamilya ng EJK victims

Mar Rodriguez Nov 14, 2024
40 Views

NAGPAHAYAG ng pakikiisa si Tingog Party-list Representative Jude Acidre sa pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings na nagsama-sama sa Kamara de Representantes noong Miyerkoles upang manawagan ng hustisya sa sinapit ng kanilang mga kapamilya sa madugong war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon.

Dumalo sa pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes noong Miyerkules si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan muli nitong inako ang buong responsibilidad sa isinagawang kampanya laban sa iligal na droga ng kanyang administrasyon.

Bago ang pagdinig, isang misa ang idinaos sa People’s Center ng Kamara upang ipagdasal ang mga biktima ng EJK at kanilang pamilya.

Dumalo sa misa sina Rep. Acidre, Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Partylist, Rep. Raoul Manuel ng Kabataan Partylist, at Ms. Sarah Elago, dating kinatawan ng Kabataan Partylist, upang ipakita ang kanilang suporta para sa paghahanap ng katotohanan at hustisya.

Si Malyn Alameda, na pinaslang ang asawa noong 2017, ay nagbahagi ng kanyang paghihirap upang maitaguyod ang mga anak.

“Sa totoo lang po, nung nangyari po yun, siya po padre de pamilya namin, siya bumubuhay sa amin, talagang nahirapan po ako. Nung panahon na yun, buntis din po ako sa pang-apat naming anak. Kahit nangyari yon, di ko alam gagawin namin. Takot na takot kami. Halos wala kami pinagkakatiwalaan,” ani Alameda.

“Medyo nabubuhayan kami ng loob na nagkakaroon ng hearing sa Senate at dito sa Congress regarding dito sa drug war. Nararamdaman ko na meron po talaga sya [Duterte] kaugnayan sa nangyaring war on drugs.” Reflecting on Duterte’s presence, she added, “Ang pagsipot pa lang ni dating presidente Duterte ay malaking kasagutan sa mga tanong namin sa nangyari sa amin sa EJK,” dagdag pa nito.

Sinabi naman ni Weena Alamo, na nasawi ang kapatid sa isang operasyon ng pulis noong 2017, na nakakahugot ito ng lakas sa kanilang pagsasama-sama upang makamit ang hustisya.

“Kahit kaunting katarungan, kahit hindi totally mabigay katarungan, at least may gumagabay,” sabi ni Alamo.“Sana lumabas yung [katotohanan]. Sa tinagal-tagal ng panahon, baka sakali. Baka hindi pa makuha yan sa ngayon. Pero sana sa lalong madaling panahon.”

Kinilala ni Rep. Acidre ang mga pamilya sa kanilang patuloy na paglaban para sa katarungan at pagsuporta sa quad committee ng Kamara.

“This inquiry isn’t just a search for answers — it’s about acknowledging the strength of families who have endured unimaginable loss and yet continue to hope,” ani Acidre.

“To these families, you are not alone. Your pain, your resilience, and your voices are heard. I stand beside you, committed to supporting your journey toward justice and healing. May this be a step toward the peace and recognition you deserve,” dagdag pa nito.