Bardado Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel Bordado Jr.

Rep. Bordado: Hinahon, VP Sara

Mar Rodriguez Nov 24, 2024
39 Views

Pananagutan sa paggastos ng confi funds seryosohin

NANAWAGAN si House Assistant Minority Leader at Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel Bordado Jr. ng kahinahunan sa gitna ng tensyong politikal, matapos ang kontrobersyal na pahayag ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Para kay Bordado, ang mga pahayag ni Duterte ay nagpapakita ng kawalang respeto o nakakabastos sa pangulo at sa Kamara de Representantes, at hinikayat ito na unahing sagutin ang isyu sa paggamit ng pondo ng bayan.

Tinuligsa ng marami ang bise presidente sa kanyang pulong balitaan kung saan inilahad niya na may kinausap na siyang assassin para targetin ang pangulo, si First Lady Liza Araneta Marcos at si Speaker Romualdez sakaling siya ay mamatay.

Kaugnay nito ay agad na pinakilos ang Presidential Security Command para mag-imbestiga at paigtingin ang seguridad ng pangulo.

Giit ni Bordado, imbes na palalain ang tensyon, dapat ay magsilbing ehemplo na lang ang bise presidente sa pamamagitan ng pagsagot sa matagal nang katanungan ukol sa paggastos ng kanyang tanggapan ng P125 milyong confidential funds noong 2022, sa loob lamang ng 11 araw.

Naglabas na ang Commission on Audit (COA) ng Notice of Disallowance para sa P73.287 milyon mula sa naturang halaga, dahil sa kakulangan ng dokumento at malinaw na paliwanag kung papaano ito ginastos.

Ipinaalala rin ni Bordado na mahalagang maging mahinahon at magkaroon ng pananagutan, kasabay ng panawagan kay Vice President Duterte na pagtuunan ang transparency at responsableng pamamahala.

Ikinumpara niya ang mga naging hakbang ni dating Vice President Leni Robredo na nakapaghatid ng makabuluhang mga programa na may tamang dokumentasyon kung saan ito ginamit kahit na P703 milyon lamang ang badyet nito noong 2022.

“It is essential that public funds are managed responsibly, with the needs of the Filipino people at the core of every decision,” ani Bordado. “The public deserves clear answers and transparency—not theatrics.”

Dapat ani Bordado ay maayos na makipag-ugnayan si Vice President Duterte sa mga oversight bodies at sa mga Pilipino para masagot ang mga isyu, kasabay ng pagbibigay diin sa kahalagahan ng pananagutan para mapanatili ang tiwala ng publiko at pamamahala.