Eddie

Rep. Bro. Eddie pinarangalan ng PAO

Mar Rodriguez Oct 22, 2024
8 Views

TINANGHAL na Outstanding Public Servant si CIBAC Party List Rep. Eduardo “Bro. Eddie” Villanueva ng Public Attorney’s Office (PAO) kasabay ng oathtaking at orientation ceremony sa Bayview Park Hotel sa Pasay City.

Pinangunahan ni PAO Chief Atty. Percida Acosta ang okasyon na dinaluhan ng nasa 330 mga bagong empleyado ng PAO kasunod ang promosyon ng mga kawani ng tanggapan.

Nabatid na napili ng PAO Program on Awards and Incentives for Service Excellence (PRAISE) Committee si Villanueva bilang pagkilala sa natatangi at excellence sa kanyang serbisyo publiko.

Kasabay ng awarding ang pagpapasalamat sa kongresista dahil sa suportang ibinigay nito sa PAO sa pamamagitan ng pagsulong sa social justice at free legal assistance na ibinigay ng PAO sa mga mamamayan.

“Isang malaking karangalan po na kilalanin ng magiting na public lawyers ang ating adbokasiya laban sa korapsyon at pakikipaglaban para sa katarungan.

Lalo po nating sikaping maging mas malawak ang free legal assistance sa mas maraming Pilipino. Maraming salamat sa Public Attorney’s Office para sa karangalang ito,” pahayag ni Cong. Bro. Eddie.

Ipinabatid din ng kongresista na siya ang may akda ng Republic Act No. 11476 o ang Good Manners and Right Conduct (GMRC) law na naglalayong mabawasan ang korapsyon sa bansa.

Inakda rin niya ang House Bill No. 10869 o Abogado Para sa Bayan bill na ang layunin ang pagkakaroon ng legal scholarship at return service program.