Sara

Rep. Cendaña binatikos si VP Sara: ‘Dumalo ka sa House probe’

51 Views

BINATIKOS ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña si Vice President Sara Duterte dahil sa umano’y “repulsive behavior” nito sa House of Representatives (HoR) at hinamon siyang humarap sa imbestigasyon kaugnay ng mga gastusin ng kanyang opisina sa confidential at intelligence fund (CIF).

Nagkagulo sa Kamara nitong Biyernes matapos bisitahin ni Duterte ang kanyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez, na kasalukuyang nasa kustodiya ng HoR. Ayon kay Cendaña, nilabag ni Duterte ang mga protocol ng Kamara nang magmatigas itong umalis kahit lampas na sa nakatakdang oras ng kanyang pagbisita.

“If she’s raring and ready to pick a fight then she should face the House panel and take her oath. Imbes na magpakabratinella at ibully niya ang mga empleyado ng Congress, sagutin niya ang mga tanong tungkol sa paggastos niya sa pera ng OVP at ng DepEd,” buwelta ni Cendaña.

Sinabi pa ng mambabatas, “Kung gusto ni Sara na manirahan sa opisina ng kapatid niya, pwede naman ‘yun. Basta umattend siya sa hearing ng house committee.”

Hindi rin pinalampas ni Cendaña ang kontrobersyal na pahayag ni Duterte tungkol sa mga umano’y assassination plots laban sa mga pangunahing lider ng bansa.

“Mamimihasa lang si Sara kung hahayaan lang natin siya na hindi managot sa mga pananakot niya. Just like her father, she savors the brazen impunity which she enjoys by reason of her office or because we permit it through our inaction,” aniya.

Nasa kustodiya ngayon ng Kamara si Atty. Lopez matapos itong masangkot sa kontrobersya kaugnay ng liham ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (COA). Ang nasabing liham ay humiling sa COA na huwag ipasa sa HoR ang mga audit observations sa confidential fund ng OVP.

Nabuking din ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang ilang kwestyunableng resibo mula sa OVP. Kabilang dito ang isang acknowledgement receipt na may mga pangalan tulad ng “Mary Grace Piattos,” “Oishi,” “Nova,” at “Tempura,” na malinaw na hindi tunay.

Nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang lider ng Kamara sa naging asal ni Duterte sa insidente noong Biyernes. Hinimok ng mga mambabatas na harapin ng Bise Presidente ang mga tanong ng komite sa halip na gumamit ng impluwensya para makaiwas sa pananagutan.