Napoles Janet Napoles

Rep. Co: Paggastos ng OVP ng P125M confi fund sa loob ng 11 araw masahol pa sa PDAF scam

53 Views

MAS masahol pa umano ang ginawang paggastos ni Vice President Sara Duterte sa P125 milyong confidential fund nito sa loob ng 11 araw noong 2022 kung ikukumpara sa PDAF scam ng convicted na si Janet Napoles.

Ito ang sinabi ni House appropriations committee chairman Zaldy Co kasabay ng pagsasabi na ang inilabas na video ni Duterte ay isa nanamang diversionary tactic.

“Obvious na diversionary tactic [ang sinabi ni Duterte]. Nililihis niya ang issue kasi ayaw niyang magpaliwanang,” sabi ni Co, ang kinatawan ng Ako Bicol party-list sa Kongreso.

Sa pagdinig nitong Martes sa hinihinging P2.037 bilyong budget ni Duterte para sa 2025, iginiit ni Co ang kahalagahan na malaman kung saan ginagastos ang pondo ng bayan.

Batay sa ulat, sinabi ni Co na naglabas ng notice of disallowance ang Commission on Audit (COA) laban sa P73 milyong confidential fund na ginastos ni Duterte noong 2022. Ang P73 milyon ay bahagi ng P125 milyong confidential fund na naubos ni Duterte sa loob lamang ng 11 araw.

“Tinalo pa ang Napoles fund na 60 days ginastos ang pera,” sabi ni Co.

Ang tinutukoy ni Co ay si Janet Napoles, ang negosyante na itinurong utak sa P10 bilyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam. Si Napoles ay kasalukuyang nakakulong kaugnay ng naturang scam.

“Nagsabi ang COA na mali ang paggastos nito. Kulelat ang mga bata, sirang pagkain at nutribun para sa mag-aaral,” sabi ni Co na ang pinatutungkulan ay si Duterte na dating kalihim ng Department of Education (DepEd).

Pinuna rin ni Co ang napakarami umanong bodyguard ni Duterte, na pinakamarami sa kasaysayan ng Pilipinas.

“Sasabihin niyang simpleng tao lang siya pero mahigit 400 bodyguards. Siya ang kaisa-isang VP na may ganung kadaming security, may sarili pang Vice Presidential Security group—very first time sa history ng Pilipinas. Pangiinsulto ito at pagaaksaya sa resources ng gobyerno,” sabi ni Co.

Hindi rin pinalagpas ni Co ang kawalan ng galang ni Duterte sa Kongreso na inatasan ng Konstitusyon upang silipin ang paggastos sa pondo ng bansa.

“Hindi siya sanay sa pagbubusisi ng budget. Ang hindi niya pagdalo sa budget hearing ay kawalan ng respeto at paggalang sa mga kinatawan ng bayan. Meron pang winalanghiyang mga sagot sa mga tanong. Pangiinsulto ito sa mga kongresista na ginagawa lang ang kanilang trabaho,” wika pa ni Co.

Sa pagdinig, pinuna rin ni Rep. Doris Maniquiz (2nd District, Zambales) ang paggastos ng tanggapan ni Duterte ng P53 milyon para sa mga satellite office nito na inuulit lamang naman ang trabaho ng mga regional offices ng Departments of Social Welfare and Development, Health, at Labor and Employment, at ng Technical Education and Skills Development Authority.

“Doon sa OVP natin, lumalabas na 53 million ang lease niya per annum na kung tutuusin ay duplication lang ng line agencies natin,” sabi ni Maniquiz.