Delima

Rep. De Lima: May ‘smoking gun’ na ebidensya upang ma-impeach VP Sara

92 Views

MAY “smoking gun” o malinaw at matibay na ebidensya upang ma-impeach si Pangalawang Pangulong Sara Duterte – ayon kay dating Kalihim ng Katarungan at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima

Iginiit noong Lunes ng dating Kalihim ng Katarungan at kinatawan ng Mamamayang Liberal Party-list na si Leila de Lima na may sapat na “smoking gun” o malinaw at matibay na ebidensya upang muling ma-impeach ng Kamara de Representantes si Pangalawang Pangulong Sara Duterte at maipagpatuloy ang kanyang impeachment trial sa Senado.

Sinabi ni De Lima sa kanyang mga kasamahan na “karamihan sa mga factual na alegasyon at mga kalakip na dokumento sa reklamong Saballa at iba pa ay kapareho ng mga nilalaman sa Articles of Impeachment na ipinadala sa Senado noong Pebrero 2025.”

Tinutukoy niya ang ikatlong reklamong inihain ng ilang petitioner na pinangunahan nina Fr. Joel Saballa at Fr. Joselito Sarabia, na kanyang inendorso.

Noong nakaraang taon, ang Articles of Impeachment laban kay VP Duterte ay inendorso ng 215 miyembro ng Kamara—higit sa kinakailangang isang-katlo ng kabuuang miyembro nito.

“Uulitin ko, na-impeach na ng Kapulungang ito si Pangalawang Pangulong Sara Duterte noon. Maliwanag ang mga rekord. Minsan nang napagpasyahan ng Kapulungang ito na sapat ang bigat ng mga paratang laban sa kanya upang simulan ang prosesong konstitusyonal,” ani De Lima.

Ayon sa kanya, walang saysay na maliitin ang mga akusasyong nakapaloob sa petisyong Saballa at iba pang reklamo “dahil ang mga ito rin mismo ang parehong mga paratang at ebidensyang naging dahilan ng impeachment ng Pangalawang Pangulo noong nakaraang taon.”

“Walang nagbago. Nanatiling balido ang mga batayan, ang mga katotohanan at ang mga ebidensya. Sapat pa rin ang mga ito upang siya ay ma-impeach sa pagkakataong ito,” dagdag niya.

Binigyang-diin din niya na idineklara ng Korte Suprema, nang ibasura nito ang reklamong impeachment noong nakaraang taon, na hindi nito pinawalang-sala ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa sa alinman sa mga paratang ng impeachment.

“Nasabi na rin po ito ng ating Madam Chair, na ang Pangalawang Pangulo ay hindi pinawalang-sala. Sa mismong salita ng Kataas-taasang Hukuman, ‘nasa pagpapasya ng Kamara kung muli nitong ihahain ang mga batayang nakasaad sa Articles of Impeachment batay sa anumang ebidensyang maaaring madiskubre,’” ayon sa dating kalihim ng katarungan.

Hindi siya sumang-ayon sa ilang pahayag na walang matibay na ebidensya laban sa Pangalawang Pangulo.

“Hindi po ako sang-ayon. Ang bidyong naglalaman ng banta ng Pangalawang Pangulo na ipapatay ang Pangulo, ang Unang Ginang, at ang dating Speaker ng Kamara, pati na ang panayam sa media kung saan pinagtibay niya ito, ay malinaw na ‘smoking gun.’ Ang maraming dokumentong nagpapakita ng mga pagbabayad o pagkakautang gamit ang mga kathang-isip na pangalan ay mga ‘smoking gun’ din,” aniya.

Tinutukoy niya ang milyun-milyong piso sa disbursement ng confidential at intelligence funds na ipinamahagi sa mga taong hindi matagpuan at walang rekord sa database ng Philippine Statistics Authority.

“Ang reklamong Saballa at iba pa ay punô ng iba pang dokumentaryong ebidensya na maituturing ding ‘smoking gun.’ At kahit ipagpalagay pa na ang mga ebidensya sa Articles ay hindi na maituturing na ‘smoking gun,’ mayroon tayo ngayon. Ilalahad natin ang mga ito sa anyo ng matitinding testimonya at bagong tuklas na materyal na ebidensya—isang beses pa, gaya ng liriko ng isang kanta,” ani De Lima.

Dagdag pa niya, kung natagpuan ng Kamara noong nakaraang taon na may sapat na patunay upang ma-impeach ang Pangalawang Pangulo at ipadala ang mga sakdal sa Senado para sa paglilitis, “hinihingi ng pagiging consistent at ng paninindigang may prinsipyo na panindigan natin ang matibay na pasyang nauna nang ginawa ng Kapulungang ito.”

“Hindi maaaring mag-iba ang ating pasya kung hindi naman nagbago ang ebidensya. Ang ating panunumpa ay para sa Konstitusyon… Manaig ang Konstitusyon,” aniya.

“At sa huli, dalangin namin na ang landas na ating tinatahak ay patatagin ng parehong moral na pamantayan ng katotohanan at pananagutan na iginuhit ng ating mga kababayan sa EDSA apatnapung taon na ang nakalipas… Dahil sa paglabag sa mga moral na pamantayang iyon at sa paglapastangan sa mga hangganang konstitusyonal, ating i-impeach si Pangalawang Pangulong Sara Zimmerman Duterte,” panawagan niya sa kanyang mga kasamahan.