Duke frasco

Rep. Frasco inilunsad “libreng sakay” program para sa mga kababayan

Mar Rodriguez Feb 1, 2024
40 Views

Duke frasco Duke frascoNARARAMDAMAN ni House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco ang krisis na pinagdadaanan ng kaniyang mga kababayan bunsod ng mataas na pamasahe sa mga pangpublikong sasakyan. Kaya inilunsad ng kongresista ang “libreng sakay” program.

Nabatid ng People’s Taliba kay Frasco na layunin ng kaniyang proyekto na tugunan ang kasalukuyang krisis na binabalikat ng kaniyang mga kababayan bunsod ng napakataas na presyo ng mga pangunahing bilihin. Kabilang na ang mataas na pasahe sa mga pang-publikong sasakyan.

Sinabi ng House Deputy Speaker na inaasahan nito na malaki ang maitutulong ng libreng sakay program para maibsan ang mabigat na gastusin ng kaniyang mga kababayan partikular na ang pang-araw araw na pamasahe papunta sa kani-kanilang pinapasukang trabaho.

Ayon kay Frasco, ang nakikita niyang pagdurusa ng kaniyang mga kababayan ang nagtulak sa kaniya para bumalangkas ng isang programa na magbibigay ginhawa at tulong para sa mga Cebuano. Kung kaya’t sinimulan nito ang “Libreng Sakay” program sa pamamagitan ng mga bus.

Ipinaliwanag ng kongresista na ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng Libreng Sakay program sa kanilang lalawigan. Kung saan, timing na timing o sakto ang pagkakalunsad nito dahil ikinasa ang nasabing program sa gitna ng mataas na pamasahe sa buong lalawigan ng Cebu City.