House Deputy Majority Leader Janette Garin House Deputy Majority Leader Janette Garin

Rep. Garin isinisi sa dating pinuno ng DOH pag-expire ng bilyong halaga ng mga bakuna

98 Views

ISINISI ni House Deputy Majority Leader Janette Garin sa pinuno ng Department of Health (DOH) sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkasira ng bilyun-bilyong halaga ng bakuna at medical supplies na binili ng gobyerno.

Ayon sa inilabas na ulat ng Commission on Audit (COA), mahigit P11 bilyong halaga ng mga gamot at medical supplies ang nag-expire, kabilang dito ang 7,035,161 botelya ng mga bakuna laban sa COVID-19.

“Itong mga nangyari at nakita ng COA ay dahil sa weak leadership at management ng Department of Health noong nagdaang administrasyon,” ani Garin, na isa sa mga kinatawan ng Iloilo.

Ayon pa kay Garin, na dati ring naging kalihim ng DOH, maaaring iwasan na maaksaya ang mga bakuna at gamot sa pamamagitan ng pagsubaybay sa dami ng suplay at paggamit ng mga medical supplies ng tama.

“Kung sino ang program director, pagkabili ng mga bakuna at gamot, obligasyon mong ipagamit kaagad at i-monitor ito,” ayon sa mambabatas.

Idinagdag pa niya na ang mga direktor ng programa na hindi kayang mag-monitor at mag-distribute ng maayos ng mga medical supplies ay dapat sibakin sa kanilang puwesto.

“Doon sa warehouse, imbentaryo sila ng imbentaryo, dapat doon may accountability kung sino ang implementing department ng DOH. Dapat may close coordination na kapag binili na dapat nang gamitin hindi kung kailan pa-expire na ay doon pa lang magkakandarapa na i-implement,” ayon pa kay Garin.

Kamakailan lang ay pinuna rin ni Garin si Health Secretary Ted Herbosa sa kakulangan ng mga bakuna na maaaring nagresulta sa pagkasawi ng ilang indibidwal.

“Ang dami ngayong namamatay sa pertussis, stock out kayo sa bakuna. Ang dami ngayong may mga bulate, ang dami niyong mga nage-expire na praziquantel. Ang dami niyong mga binibiling gamot, nililibing siya kasi nage-expire,” ayon pa sa dating health secretary.

Noong 2023, iniulat din ng COA na ang kabuuang halaga ng mga gamot at iba pang imbentaryo ng DOH ay umabot sa P7.43 bilyon. Kasama sa halagang ito ang mga gamot na nasira, malapit nang mag-expire o mga nag-expire na.