Ortega

Rep. Ortega di mawari kung kaninong bulsa napunta confi funds ng OVP, DepEd

Mar Rodriguez Dec 11, 2024
59 Views

BINIGYANG DIIN ni La Union 1st. Dist. Rep. Francisco Paolo P. Ortega V na hindi nito mawari kung kaninong bulsa napunta ang kontrobersiyal na P125 milyong Confidential Fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd). Ang pondong inilaan para kay Vice President Inday Sara Duterte.

Sa isang ambush interview sa Kamara de Representantes, sinabi ng kongresista na napakahirap ng ma-trace kung kaninong bulsa napunta at kung ano ang mga pinagkagastusan ng kinukuwestiyong P125 milyong pondo ni VP Sara Duterte.

Ang naging pahayag ni Ortega ay kasunod ng pagtatapos ng ginagawang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability o ang Blue Ribbon Committee ng Kongreso. Kung saan, binalangkas na ng mga kasapi ng Komite ang pagbubuo ng panukala kaugnay sa paggamit ng Confidential Fund sa darating na hinaharap.

“Hindi ko alam kung kaninong bulsa napunta. So, malamang sila ang gumamit, sila din ang nagbulsa,” wika ng mambabatas.

Nang tanungin naman si Ortega hinggil sa hindi klarong “disbursement” hanggang pag-withdraw na ginawa ng OVP at DepEd sa Confidential Fund ni VP Sara kung saan hindi na na-trace ang pinaglaanan ng naturang pondo, ipinahayag nito na dahil hindi maayos ang mga naging disbursement kaya talagang mahirap ipaliwanag kung saan napunta ang milyong pisong pondo ni VP Sara.

“Ganoon talaga. Dahil hindi proper ang disbursement talagang question parin kung saan napunta ang Confidential Fund at kung saan ginastos but it’s a clear violation of protocol. Malinaw na ito ay misuse, yun na lamang pag-withdraw at pag-pick up ng pera is a clear violation,” sabi pa ni Ortega.

Pagdidiin pa ni Ortega na dahil hindi na malalaman kung nasaan napunta at kung sino ang mga nakinabang sa milyon-pisong Confidential Fund. Marami aniyang posibilidad na maaaring ito ay ginastos ng personal, binulsa o pinang-bili ng “Piattos” na pabirong sinabi ng kongresista.

“Let’s say na kung hindi naman talagang binulsa iyan. Misuse talaga iyong fund, kung part ng misusing of fund ay kung saan-saan mo na ginastos. Baka binulsa o kaya ay baka ipinang-bili ng Piattos hindi natin masabi eh. Sky’s the limit kung saan ginamit ang pondo,” dagdag pa ni Ortega.