Romero

Rep. Romero ikinababahala pamamayagpag ng mga abusadong importers, rice traders

Mar Rodriguez Dec 11, 2024
43 Views

BILANG Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation, ikinababahala ni 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang patuloy na pamamayagpag ng mga malalaki at abusadong rice importers at traders na nagpapadagdag sa paghihirap ng mga maralitang Pilipino.

Dahil dito, nakikiisa ang pinuno ng Committee on Poverty Alleviation sa panawagan ng kapwa nito kongresista sa Department of Agriculture (DA) na simulan na ang paghuli kasunod ang pagsasampa ng kaso laban sa mga abusado at mapagsamantalang mga rice importers at traders na lalo pang nagpapahirap sa kalagayan ng mamamayan.

Binigyang diin ni Romero na ang iniisip lamang aniya ng mga rice importers at traders ay kung papaano magkakamal ng malaking kita mula inaangkat nilang bigas habang patuloy naman ang pagtaas ang presyo nito sa merkado na napaka-bigat naman para sa mga ordinaryong mamamayan.

Ipinaliwanag pa ni Romero na ang presyo ng imported na bigas ay nasa P35.00 lamang. Subalit kung gagalugarin ang iba’t-ibang pamilihan sa bansa ay wala naman makikitang bigas na mas mababa sa P50.00 kasa kilo. Kung saan, nangangahulugan lamang aniya ito na ang kita ay direktang napupunta sa bulsa ng mga rice importers at traders.

Ayon sa kongresista, napakahirap ang kalagayan ng mga mahihirap na mamamayan sapagkat kahit sa panahon ng Holiday season ay mistulang hindi nila maramdaman ang Kapaskuhan dahil sa napakataas na presyo ng mga bilihin lalo na ang bigas. Kaya napakahalaga na kumilos na ang Agriculture Department para solusyonan ang problema ng rice cartel sa bansa.