Yedda

Rep. Yedda K. Romualdez itinanggi ipinapakalat na fake news na kakandidato sa Cebu

17 Views

MARIING itinanggi ni Tingog Party-list Rep. Yedda K. Romualdez ang mali, nagdudulot ng kalituhan, at intriga lamang na espekulasyon na siya ay nagpaplanong kumandidato sa lokal na posisyon sa Cebu.

Sinagot ni Romualdez ang mga kumakalat na tsismis sa social media at sa mga kuwentuhan na plano umano niyang tumakbo bilang gobernador o sa anumang posisyon sa Cebu sa susunod na halalan.

“I want to speak directly to the people of Cebu – and to the Filipino public – who may have seen my name being dragged into local political speculation,” aniya.

“Let me be very clear: I am not running for governor. I am not running for any position in Cebu. I have not transferred my residency,” giit ni Romualdez.

Ang pahayag ay kasunod ng ilang araw na mga espekulasyon na pinapalaganap ng mga post online at usapang pulitikal sa Cebu, na sinasabing inihahanda umano si Romualdez para tumakbong gobernador sa lalawigan.

May ilang post na nagpapahiwatig na siya ay lumipat ng tirahan sa Liloan at kakalabanin ang ilang matagal nang pangalan sa pulitika sa susunod na halalan.

Umano’y konektado ang mga tsismis sa lokal na tunggaliang pulitikal sa pagitan nina Cebu 5th District Rep. Duke Frasco at ng iba pang kampo bilang paghahanda sa eleksiyon.

Madalas umano banggitin si Romualdez sa social media, sa aniya’y sinadyang pagsangkot sa kaniya sa pansariling interes ng ilang pulitiko.

Binigyang-diin din niya na hindi lang mali ang mga pahayag, kundi madaling mapatunayan na hindi totoo gamit ang mga pampublikong dokumento.

“These are facts that can easily be verified. It is very easy to check the Comelec records in Liloan. I am not a registered voter there. My mother is registered in Cebu City – but I am not. Duke knows fully well whether or not I am his constituent,” dagdag pa niya, na tumutukoy kay Frasco.

Nanawagan si Romualdez sa mga nasa likod ng mga tsismis na itigil ang paggamit ng kaniyang pangalan para sa pulitikal na layunin.

“To those spreading rumors, I say this with respect: Please do not use my name for your selfish political interests,” aniya.

Binigyang-diin niya ang kaniyang paninindigan sa kaniyang kasalukuyang mandato bilang kinatawan ng party-list na nagsisilbi sa mga sektor sa buong bansa, lalo na ang mga bulnerable sa sakuna at hindi kadalasang naririnig.

“I remain fully committed to my national mandate as a representative of Tingog Party-list, where I serve the entire country – especially disaster-vulnerable communities, women, children, and those who are too often left unheard,” paliwanag niya.

Bilang matibay na paalala sa publiko, hinikayat ni Romualdez ang mga botante sa Cebu na huwag maniwala kung sakaling makita ang kaniyang pangalan sa balota.

“If ever you see my name on the ballot in Cebu, ako na po mismo ang nagsasabi sa inyo: huwag n’yo akong iboto. Because that would not be me,” aniya.

Binigyang-diin ni Romualdez na ang paglilingkod sa publiko ay hindi dapat dungisan ng pansariling ambisyon o paggamit ng pangalan para sa pansariling interes.

“Politics should be about public service, not power games. And right now, my focus is clear: serving the Filipino people, not personal ambition,” aniya.

“Thank you for allowing me to clarify the truth,” dagdag pa niya.