Zamora Taguig City Rep. Amparo Maria “Pammy” Zamora

Rep. Zamora: Kung gusto mong mag-camp out harapin mo na rin ang Kamara

63 Views

NANINDIGAN si Taguig City Rep. Amparo Maria “Pammy” Zamora, miyembro ng House Blue Ribbon Committee, na dapat harapin ni Vice President Sara Duterte ang mga isyu kaugnay ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) sa halip na magdaos ng dramatikong protesta sa House of Representatives.

“Kung gusto niya talagang mag-camp out dito sa House, baka mas mabuti po na harapin na din ang mga miyembro ng Blue Ribbon Committee,” pahayag ni Zamora.

Ito’y matapos ang kontrobersyal na hakbang ni Duterte na magkampo sa House bilang protesta sa paglipat sa kanyang chief of staff na si Zuleika Lopez sa Mandaluyong detention facility, kaugnay ng mga alegasyon ng iregularidad sa paggamit ng confidential funds ng OVP.

Bukod sa kanyang protesta, umani rin ng batikos si Duterte matapos ang umano’y mga banta laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

“Ang banta niya laban sa Pangulo, Unang Ginang at sa Speaker ay hindi dapat balewalain. This will definitely be looked into,” ayon kay Zamora.

Binatikos din ni Zamora ang desisyon ni Duterte na labagin ang direktiba ng Kamara, na kanyang tinawag na malinaw na halimbawa ng “executive overreach.”

“Instead of complying with lawful orders, the vice president has chosen the opposite path. This diverts attention from the critical questions surrounding her office’s actions,” dagdag ni Zamora.

Inaasahan ang Blue Ribbon hearing sa Lunes, at iginiit ni Zamora na ito ang tamang pagkakataon para harapin ni Duterte ang mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds.

“The hearing is not about personal vendettas; it is about ensuring transparency in the use of public funds. Transparency and accountability are the cornerstones of public trust. By attending the hearing, Vice President Duterte can prove that she values these principles,” ani Zamora.

Dagdag pa niya, handa ang komite na talakayin ang mga isyu, kabilang ang diumano’y iregularidad sa pag-withdraw at paggamit ng pondo ng OVP.

“Kung seryoso siya sa pagiging lingkod-bayan, kailangan niyang humarap at magpaliwanag,” giit ni Zamora.

“The Filipino people deserve proper answers,” pagtatapos niya.

Sa harap ng mainit na kontrobersya, nananawagan ang mga mambabatas na manaig ang transparency at pananagutan upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.