Calendar
Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez
Reporma para malabanan fake news, troll farms itinulak ng House Tri-Comm
INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes ang Committee Report No. 1498 ng tri-committee na nagsusulong na mag-amyenda at gumawa ng batas na magpaparusa sa mga gumagawa, tagapondo at nagpapakalat ng fake news, at nasa likod ng disimpormasyon at mga operasyon ng troll farms na nagsisilbing banta sa kaayusang panlipunan, katatagan ng demokrasya at pambansang soberanya.
“The Tri-Comm was never about silencing dissent. It is about stopping deliberate digital deception—often paid for, often anonymous, and often dangerous,” sabi ni Information and Communications Technology Committee Vice Chair Johnny Ty Pimentel sa kanyang sponsorship speech sa plenaryo.
Iminumungkahi ng ulat ang malawakang pagbabago sa mga polisiya ng bansa hinggil sa cyber governance sa pamamagitan ng mga amyenda sa Cybercrime Prevention Act at pagpasa ng mga bagong batas na tumutugon sa pananagutan ng mga platform, content moderation at dayuhang pinopondohang propaganda.
Isa sa mga pangunahing rekomendasyon ng ulat ang pagpasa ng batas na magbibigay-kahulugan at magpaparusa sa disimpormasyon at malimpormasyon, lalo na kung ginagamit sa manipulasyong elektoral at mga pakikialam na may basbas ng estado.
Saklaw rin ng panukalang legal na balangkas ang kriminalisasyon ng pagtatayo at pagpopondo ng troll farms, gayundin ang pag-oobliga sa mga dayuhang social media platform na magparehistro at sumunod sa mga utos ng Philippine authorities hinggil sa content takedown, correction at blocking.
Kakailanganin ding magbukas ng lokal na tanggapan ang mga social media platform at mag-imbak ng datos para sa mga ebidensyal at imbestigatibong layunin.
Binanggit ng komite ang pagdami ng mga kampanyang suportado ng dayuhan, partikular na ang may kaugnayan sa interes ng Tsina, na nagtutulak ng mga naratibong laban sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea habang isinusulong ang ilang partikular na personalidad sa lokal na politika.
Sa kanyang talumpati, binanggit ni Public Order and Safety Committee Chair Dan Fernandez ang InfinitUs Marketing Solutions Inc. bilang isang halimbawa ng pinaghihinalaang dayuhang disinformation operations.
“This matter warrants further and immediate investigation due to its potential implications on national security,” aniya.
Inirekomenda rin ng ulat ang paglikha ng isang Digital Council of the Philippines, na inaasahang magiging regulatory o self-regulatory body na kahalintulad ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
Ang nasabing council ang maga-accredit ng mga influencer at content marketer, magtatakda ng mga pamantayang etikal, magbabantay sa content moderation, at mangunguna sa mga kampanya para sa pampublikong edukasyon hinggil sa digital literacy.
Upang tugunan ang mga banta online na pinalalakas ng artificial intelligence (AI), iminungkahi ng tri-comm ang pagpasa ng batas para sa regulasyon ng mga AI developer at deployer, lalo na yaong may kaugnayan sa paggawa ng deepfake, manipulasyong algorithmic at automated phishing.
Ang iminungkahing batas ay magpapakilala rin ng mga pamantayang etikal at mekanismo ng pananagutan, habang isinusulong ang pag-unlad ng katutubong AI upang mabawasan ang pagdepende sa teknolohiyang dayuhan.
Nanawagan din ang komite sa Kongreso na palakasin ang kakayahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagbabantay ng buwis.
Ayon sa ulat, maraming influencer na kumikita sa pamamagitan ng disimpormasyon ang hindi nagbabayad ng tamang buwis dahil hindi naa-access ang datos ng kanilang kita sa mga platform bunga ng kakulangan sa mga kasunduan sa pagbabahagi ng datos sa ibang bansa.
Iminungkahi ng panel ang mas mahigpit na mekanismo sa pagsunod at mga legal na obligasyon para sa mga platform na ibunyag ang kinikita mula sa mga gumagamit at advertiser sa Pilipinas.
Ipinanukala rin ng tri-comm na muling suriin ang Data Privacy Act upang ito’y umayon sa pandaigdigang pamantayan hinggil sa AI-driven data processing at redress, at matiyak ang proteksyon ng mga gumagamit sa harap ng mga umuusbong na banta sa cyberspace. Saklaw nito ang mga protocol sa pagpayag at pananagutan sa maling paggamit ng personal na impormasyon ng mga content creator at platform.
Sa mga pagdinig, masusing tinutukan ang mga platform gaya ng Facebook, TikTok at YouTube dahil sa kanilang kabiguang mag-moderate ng mapanirang content o makipagtulungan nang buo sa mga ahensya ng gobyerno.
Binigyang-diin ng mga miyembro ng komite na ang kawalan ng legal na presensya ng mga platform sa bansa ay pangunahing hadlang sa agarang pagpapatupad ng mga batas.
Ayon kay Public Information Committee Chair Jose “Joboy” Aquino II, isa pang co-chair ng tri-comm, mahalaga ang naging hakbang ng Kamara sa ulat upang ipagtanggol ang demokrasya ng Pilipinas.
“Without urgent legal, institutional and technological reforms, the country will remain vulnerable to digital manipulation, misinformation-driven polarization, and weakened state authority in the online space,” aniya.
Itinulak din sa ulat ang institusyonalisasyon ng media and information literacy sa kurikulum ng edukasyon sa bansa. Naniniwala ang komite na kailangang turuan ang kabataan ng digital citizenship at critical thinking mula sa murang edad upang mailayo sila sa online manipulation.
Nanawagan ang tri-comm sa Kamara na ipadala ang ulat sa mga kaukulang ahensya gaya ng DICT, DOJ, BIR, NBI at NTC para sa agarang implementasyon at koordinasyon.
Nagpahayag ng kumpiyansa ang panel na ang mga panukala ay magiging pundasyon ng mga bagong batas upang sugpuin ang digital deception at pagtibayin ang pananagutan sa ecosystem ng impormasyon.

