Calendar

Reporma sa insurance system nararapat na–LCSP
NANAWAGAN ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) para sa reporma sa sistema ng insurance sa land transportation kasunod ng malalagim na aksidente nitong mga nakaraang araw.
Ayon sa grupo, matagal na nilang nasaksihan ang matinding hirap at dagok na dinaranas ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay o napilitang mabuhay sa hirap matapos ang trahedya sa kalsada.
Karamihan umano sa mga biktima mga ama, ina, anak at pangunahing tagapagtaguyod ng pamilya na nawalan ng kakayahang kumilos, maghanapbuhay o mamuhay ng normal dulot ng natamong pinsala.
“Parang naging normal na bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino ang road crashes.
Sa gitna nito, patuloy naming ipinaglalaban ang karapatan at kaligtasan ng mga commuter,” ayon sa LCSP.
Iginiit ng grupo na panahon na upang itaas ang insurance benefits ng mga drayber at pasahero ng mga pribadong sasakyan, upang mapantayan ang benepisyong ibinibigay sa mga pasahero ng pampublikong transportasyon.
Giit nila, kulang, hindi makatao at parang insulto ang kasalukuyang saklaw na insurance coverage sa ilalim ng Compulsory Third Party Liability (CTPL) sa mga biktima.
Bukod sa limitadong halaga na kailangang hati-hatiin sa mga biktima sa oras ng aksidente, binatikos din ng grupo ang mabagal na proseso ng pag-claim ng benepisyo na umaabot ng ilang linggo o buwan bago maproseso.
“Dapat itong magsilbing wake-up call para sa national government—lalo na sa Insurance Commission at sa Department of Transportation—upang agarang pag-aralan at isulong ang reporma sa insurance system na tunay na nakatuon sa kapakanan ng lahat ng gumagamit ng kalsada,” dagdag pa ng LCSP.
Isinusulong ng grupo ang pag-adopt ng two-group insurance system, na anila’y mas praktikal at angkop sa Pilipinas.
May sapat na digital infrastructure na rin umano para sa mas mabilis at episyenteng pagpapatupad nito.
Tiniyak rin ng LCSP ang kanilang kahandaang tumulong sa pagsusuri at pagpapatupad ng naturang panukala, lalo na sa aspeto ng legalidad.