Martin

Reporma sa MUP pension system aprubado sa Kamara

Mar Rodriguez Sep 26, 2023
195 Views

SA botong 272 kontra apat at isang abstention, inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang reporma sa pension system ng military at iba pang uniformed personnel (MUP).

Kasama sa House Bill (HB) No. 8969, na pangunahing iniakda ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ay ang tatlong porsyentong pagtaas sa sahod ng mga MUP kada taon sa loob ng 10 taon mula sa pagiging epektibo ng batas.

Ayon kay Speaker Romualdez, aayusin ng panukalang batas ang sistema ng pagbibigay ng buwanang pensyon at iba pang benepisyo sa unipormadong hanay na magiging patas sa kanila at sa pamahalaan.

“This landmark legislation demonstrates our unwavering commitment to the men and women in uniform, who risk their lives daily to maintain peace and order. It provides a robust, sustainable, and fair pension system that recognizes their invaluable service to our nation,” sabi ni Speaker Romualdez

“With this reform, we’re not only prioritizing the well-being of our MUP but also ensuring the country’s economic stability. It is a testament to our commitment to national security and fiscal responsibility. I congratulate the Ad Hoc Committee and my colleagues for their hard work and dedication towards this pressing issue,” saad pa ng House Speaker

Ang House Bill HB No. 8969, o “An Act creating a sustainable framework for the pension system of the military and uniformed personnel, providing mechanisms for the disposition of government assets for the purpose, and appropriating funds therefor” ay tinatawag ding “Military and Uniformed Personnel Pension System Act.”

Sakop nito ang lahat ng empleyado ng gobyerno na unipormado, may ranggo, may armas man o wala at bahagi ng national defense, pagpapatupad ng batas, at pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan at seguridad na kabilang sa: Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Corrections, at commissioned officers ng hydrography branch ng National Mapping and Resource Information Authority na inilipat mula sa Bureau of Coast and Geodetic Survey.

Itatakda ang mandatory retirement age ng MUP sa 57 taong gulang o kapag tumagal ito sa serbisyo ng 30 taon ng tuloy-tuloy.

Ang MUP ay maaari ng boluntaryong magretiro matapos ang 20 taong pagseserbisyo.

Makakapagretiro naman ang mga key official kapag nakumpleto ang tour of duty o kung inalis ng Pangulo.

Ang mga MUP na namatay o nasugatan sa gitna ng laban na nagresulta sa total disability nito at sinertipikahan ng kani-kanilang institusyon ay ikokonsiderang compulsory retired na sa serbisyo bilang basehan sa pagtukoy ng kanilang benepisyo.

Sa kaso ng namatay o nasugatan sa labanan na nagresulta sa total disability, ang makukuha nito ay 90 porsyento ng kanyang base pay at longevity pay anuman ang haba ng taon nila sa serbisyo.

Ang mga nasa serbisyo na bago maging ganap na batas ang panukala ay makatatanggap ng buwanang retirement pay na 50 porsyento ng base pay at longevity pay ng sumunod na salary grade na kanilang hinawakan para sa 20 taon nang nasa serbisyo, at itataas ng 2.5 porsyento kada taon ng serbisyo na lagpas sa 20 taon at may maximum na 90 porsyento para sa mga 36 na taon o higit pa ang pagseserbisyo.

Maaaring namang kumuha ng lumpsum na katumbas ng tatlong taong pensyon ang isang nagretiro.

Ang komputasyon ng retirement pay ng mga bagong pasok sa serbisyo o papasok muli matapos maisabatas ang MUP pension ay 50 porsyento ng kanilang base pay at dagdag na longevity pay para sa mga dalawampung taon sa serbisyo at itataas ng 2.5 porsyento kada taon kung lagpas sa 20 taon sa serbisyo na may maximum na 90 porsyento para sa 36 na taon sa serbisyo o higit pa.

Otomatikong indexed ang pensyon ng retiradong MUP at survivorship pension ng kwalipikadong survivor na hindi hihigit sa 100 porsyento ng pagtaas sa base pay ng aktibong MUP na may kahalintulad nitong ranggo sa kaparehong taon.

Bubuo rin ang panukala ng dalawang MUP trust funds, isa para sa Armed Forces of the Philippines at isa para sa iba pang uniformed personnel services, at magtatatag ng MUP trust fund committee na pamumunuan ng secretary of finance para mangalaga sa pondo.

Ang Government Service Insurance System (GSIS) naman ang magsisilbing manager ng trust funds.

Magsisilbing pampondo sa trust fund ang kontribusyon ng mga new entrants na MUP na katumbas ng siyam na porsyento habang 12 porsyento naman ang share na ibibigay ng national government; unprogrammed funds sa ilalim ng taunang pambansang budget; kita mula sa pagpaparenta, joint development o pagbebenta ng government properties at savings ng gobyerno.

Hindi papatawan ng buwis, assessments, fees, charges at duties ang MUP trust fund.

Inaatasan din ang trust fund committee na magbigay ng tulong sa mga indigent pensioner.

Ang mga masasangkot sa fraud, falsification, misrepresentation of facts, collusion o kahalintulad na gawain sa paglalabas ng sertipikasyon o dokumento kaugnay sa batas ay papatawan ng multa na katumbas o hindi hihigit sa tatlong beses ng halaga ng dinaya at pagkakakulong ng anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon gayundin ay hindi na maaaring maitalaga o humawak ng posisyon sa gobyerno o ituloy ang lisensyadong propesyon.

Ang kalihim ng Department of Finance (DoF) katuwang ang kalihim ng national defense, interior and local government, justice, transportation, environment and natural resources, budget and management, at ang pangulo at general manager ng GSIS ang naatasang maglabas ng implementing rules and regulations.