Chua

Reporma sa paggastos ng confi funds itutulak ng House  Committee on Good Gov’t and Public Accountability

58 Views

ITUTULAK ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang pagkakaroon ng reporma sa alokasyon at paggastos ng confidential funds matapos ang imbestigasyon nito kung papaano ginastos ni Vice President Sara Duterte ang kanyang P612.5 milyong confidential funds na nasa ilalim ng Office of the Vice President (OVP) atDepartment of Education (DepEd) na dati nitong pinamunuan.

Sinabi ng chairman ng komite na si Manila 3rd District Rep. Joel Chua na kailangan na magkaroon ng transparency at accountability sa paggastos ng confidential fund para mabantayan ang mga iregularidad sa paggamit nito.

“Ang isa po sa mga recommendation namin dyan ay ‘pag ang confidential fund ay nabigyan ng Notice of Disallowance, ito po ay mawawala po ‘yung confidentiality ng nature ng pondo at ito’y pwede nang usisain nang maigi,” sabi ni Chua sa panayam ng Bantay Balita sa Kongreso sa Dobol B ng mga host na sina Nimfa Ravelo at Isa Avendaño Umali noong Linggo.

Sinabi ni Chua na dapat limitahan din sa mga ahensya na may kinalaman sa national security, pangangalap ng intelligence report, at peace and order ang maaaring bigyan ng confidential fund.

“Dapat limitado lang ang mga ahensya o mga departamento na binibigyan ng confidential fund, lalung-lalo na ‘yung mga ahensya at departamento na walang kinalaman sa intelligence gathering, sa national security, saka sa peace and order,” punto ng mambabatas.

Nadiskubre sa imbestigasyon ng komite ang paggamit umano ng mga pinekeng acknowledgment receipts para mabigyang katwiran ang paggastos ng confidential funds, ang pagbibigay nito sa mga hindi otorisadong indibidwal, at kuwestyunableng paggamit nito sa pagbabayad ng mahal na mga safe house at youth leadership summits.

Ang mga ganitong uri umano ng paggastos ay nagpapakita na dapat magkaroon ng mas mahigpit na pagbabantay sa paggamit ng naturang pondo.

Kung maaalis umano ang confidentiality ng pondo kapag naglabas ang Commission on Audit ng Notices of Disallowance ay mas madali itong maiimbestigahan.

Ihahain umano ang panukala sa paparating na linggo.

Iniimbestigahan ng komite ni Chua ang ginawang paggastos ni Duterte sa P500 milyong confidential fund ng OVP at ang P112.5 milyong confidential fund ng DepEd na dating pinamumunuan ng Ikalawang Pangulo.

Kasama din sa iniimbestigahan ang P73 milyon na pinatawan ng COA ng Notice of Disallowance. Ang pondong ito ay bahagi ng P125 milyon na ginastos ng OVP sa loob ng 11 araw noong Disyembre 2022.