Libo

Resbak sa namamahiya, abusadong online lenders hiniling

19 Views

Ipinahayag ni Senador Sherwin Gatchalian ang kanyang buong suporta sa pagpapatupad ng mas mahigpit na regulasyon at legal na hakbang laban sa lumalalang problema ng mga mapang-abusong online lending applications (OLAs).

Sa isang pahayag, binigyang-diin niya ang lawak at bigat ng naturgang isyu: “The growing number of complaints being filed with the PAOCC against abusive online lending apps shows just how widespread and serious this problem has become. We should stop these abusive entities.”

Ayon kay Gatchalian, kinakailangan ang isang malakas at malinaw na legal na balangkas, pati na rin ang matibay na ugnayan sa pagitan ng mga ahensiya ng pamahalaan upang matukoy, maimbestigahan, at mapanagot ang mga nasa likod ng mapanlinlang at mapanirang mga gawain. Aniya, “A robust legal framework and inter-agency cooperation must be put in place to identify, investigate, and prosecute those responsible, ensuring such predatory practices are eliminated.”

Batay sa ulat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), umabot na sa mahigit 13,000 ang mga reklamong natanggap nila noong Abril at Mayo 2025. Karamihan sa mga ito ay ukol sa pananakot, iligal na pagkuha ng personal na impormasyon, at kahihiyan sa publiko ng mga may utang.

Kaugnay nito, isang one-stop complaint center ang binuksan sa Pasay City upang tumanggap ng reklamo mula sa mga biktima. Pinamumunuan ito ng PAOCC, sa pakikipagtulungan ng PNP–CIDG, NBI, Securities and Exchange Commission (SEC), at National Telecommunications Commission (NTC). Nauna na ring kumilos ang SEC laban sa ilang hindi rehistradong loan platforms ngayong taon.

Sa huli, iginiit ni Gatchalian ang kahalagahan ng suporta mula sa Kongreso upang higit pang pagtibayin ang mga hakbang laban sa mga mapagsamantalang online lenders. Ang kanyang panukala ay tugma sa mga kasalukuyang inisyatibo ng pamahalaan na naglalayong sugpuin ang digital financial abuses at tiyakin ang kaligtasan ng mga konsumer sa larangan ng pagpapautang.