Calendar

‘Resign all’ ni PBBM gagawin rin ni Binay sa Makati
TAHASANG sinabi ni incoming Makati Mayor, Senadora Nancy Binay na walang masama sa desisyon ng Punong Ehekutibo na hingin ang resignation ng lahat ng kanyang Kalihim sa Gabinete upang magawa ang kanyang mga ninanaisa para sa taumbayan.
Ito ang paliwanag ni Sen. Binay sa isang panayam sa Kapihan sa Senado kung saan ay nagpahiwatig din siya na balak niya rin hilingin ang courtesy resignation ng lahat ng department heads ng lungsod, kasunod ng ginawang reorganisasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang Gabinete.
“Siguro katulad din ng Presidente, at at some point hihingin din natin yung courtesy resignation sa mga department heads sa Makati,” ani Binay bilang pagtukoy sa direktiba ng Pangulo matapos ang mababang performance ng administrasyon sa midterm elections.
Ayon kay Binay, ang panukala ay hindi layong palitan agad ang lahat ng opisyal, kundi magsagawa ng masusing pagsusuri sa bawat posisyon upang matiyak na ang mga taong mananatili ay tugma sa kanyang pamumuno.
“Titingnan rin naman natin, hindi naman kasi humingi tayo ng courtesy resignation, lahat sila papalitan. Titimbangin natin ang lahat,” paglilinaw niya.
Idinetalye ni Binay na mahalagang makabuo ng isang team na may sapat na tiwala at kakayahan. “Ang importante din kung kanino ako may tiwala na gawin yung trabaho. Kailangan natin yung alam natin na maasahan gawin ang dapat at tama para sa Makati,” aniya. “Kaya ganun din ang Presidente natin. Tingin ko normal naman ‘yun lalo gusto mong ayusin ang trabaho para sa tao at sa bayan.”
Sa pambansang antas, ginulat ni Pangulong Marcos ang publiko nang hilingin ang courtesy resignations ng lahat ng miyembro ng Gabinete upang magkaroon ng tinatawag niyang “bold reset” sa kanyang administrasyon.
Sa panig ni Senadora Binay, na ngayon ay hahawak sa kanyang unang posisyon bilang mayora ng lungsod matapos ang ilang termino sa Senado, inamin niya na may nakahanda na siyang mga kapalit para sa ilang posisyon. “Yes, meron na. Meron na naman,” sagot niya nang tanungin tungkol sa transition plan.
Tiniyak rin ni Binay na hindi maaapektuhan ang mga serbisyo ng pamahalaang lungsod habang isinasagawa ang reorganisasyon. “Hindi po maapektuhan yung services natin sa Makati,” aniya.
Ipinabatid rin niya na ang ganitong uri ng panawagan para sa courtesy resignation ay karaniwang praktis sa pulitika upang mapagtibay ang liderato at maayos na maisakatuparan ang pagbabago.
Ipinaliwanag ni Binay na ang “resign all” approach ay nagbibigay pagkakataon sa mga kasalukuyang opisyal na kusang magbitiw, sa halip na tanggalin agad sa puwesto. “Resign all method” umano ay isang hakbang upang maipakita ang awtoridad ng halal na opisyal at maisulong ang mga pagbabagong makabubuti sa publiko.
Binigyang-diin ni Binay ang kanyang layunin: ang bumuo ng pamunuan na may mataas na antas ng tiwala, integridad, at husay.
“One that can meet both the challenges and expectations of Makati’s constituents. Yung Serbisyong Binay at Serbisyong the Best,” aniya.