Dalipe

Reso ng Senado patunay na tama isinusulong na pag-amyenda sa economic provision ng Konstitusyon ni Speaker Romualdez, Kamara

Mar Rodriguez Jan 17, 2024
101 Views

ANG pagsusulong ngayon ng mga senador na amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon ay maituturing umanong patunay na tama ang matagal ng itinutulak na ito ng Kamara de Representantes, ayon kay House Majority Leader Manuel Jose Dalipe.

Ayon kay Dalipe matagal ng isinusulong ng Kamara ang panukala na amyendahan ang 1987 Constitution at paulit-ulit na ring sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kahalagahan nito upang maiangat ang estado ng pamumuhay ng mga Pilipino.

“This marks the first time the Senate has agreed to amend the Constitution, vindicating the House’s 37-year-long pursuit of constitutional reforms. It also reaffirms our position under Speaker Romualdez that constitutional amendments are essential to keeping pace with the rapidly evolving global economy,” sabi ni Dalipe.

Ayon kay Dalipe, tututukan ng liderato ng Kamara ang mga kaganapan kaugnay ng inihaing resolusyon sa Senado.

Batay na rin aniya sa atas ni Speaker Romualdez, susuportahan nila ang Resolution of Both Houses No.6 na iniakda nina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senators Loren Legarda, at Sonny Angara.

Itinutulak sa RBH 6 na baguhin ang Articles XII, XIV, at XVI ng 1987 Constitution, na nagpapahintulot sa Kongreso na magpasa ng batas na nag-aalis ng mga mahihigpit na probisyon kaugnay ng pagnenegosyo ng mga dayuhan sa bansa.

Ang hakbang na ito ay naglalayong lunasan ang constitutional infirmity ng Republic Act 11659, na nag-aamyenda sa Public Services Act para pahintulutan ang 100% dayuhang pagmamay-ari sa ilang mga pampublikong serbisyo.

“The Speaker is happy that the Senate has finally recognized the need for constitutional amendments. We’ve tirelessly worked for economic reforms through charter change but this was consistently opposed by the Senate. Now, it can be told that we were right all along,” saad ni Dalipe.

Binigyang diin ni Dalipe na ang desisyon ng Senado na talakayin ang pag-amyenda sa Konstitusyon ay maituturing na bunga ng pagpupursige ni Speaker Romualdez.