Madrona

Responsibilidad ng socmed magpalaganap ng katotohanan — Madrona

Mar Rodriguez Jun 6, 2025
320 Views

Madrona1Madrona2SANG-AYON si Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona sa pahayag ng dalawang miyembro ng Gabinete ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na pananagutan ng mga social media platforms ang pagpapalaganp ng katotohanan sa halip na fake news at disinformations.

Ipinaliwanag ni Madrona, chairman ng House Committee on Tourism, na bilang mga content provider sa pamamagitan ng kanilang social media platforms, napakalaking responsibilidad nila ang maipalaganap ang katotohanan sa publiko.

Binigyang diin ng kongresista na nakakalungkot ang mga kasalukuyang pangyayari dahil sa paglaganap ng mga fake news at disinformation sa social media. Kung saan ang isang buhay pang tao ay pinapatay na sa mga mapanirang posts sa social media.

Bukod dito, ipinahayag pa ni Madrona na may mga pagkakataon din na ang isang katotohanan ay sinisikap baluktutin o pinipilipit ng ilang grupo para palutangin ang kasinungalingan na lalo lamang nagpapagulo sa isipan ng mamamayan.

“Minsan hindi mo na malaman kung ano ang totoo at kung ano ang kasinungalingan. Kasi may mga grupo na binabaluktot nila ang katotohanan para lamang palitawin ang kasingalingan, kaya ang taongbayan ay lalong nalilito,” wika ni Madrona.

Samantala, lumahok si Madrona sa ginanap na 2025 First Semester Provincial Development Council (PDC) Sectoral Committees at Full Council Meetings kung saan sumentro ang pagpupulong sa Local Investment Program para sa taong 2026 hanggang 2028.

Ayon kay Madrona, ang ilan sa mga tinalakay sa kanilang ginanap na meeting ay ang mga plano at proyekto para sa kinabukasan ng kanilang lalawigan kabilang na dito ang pagpapalakas ng turismo ng Romblon na inaasahang magpapalakas sa ekonomiya nito.