Martin

Resulta ng survey patunay na tama ginagawa ni PBBM—Speaker Romualdez

144 Views

PINATUTUNAYAN umano ng resulta ng Pulse Asia survey na tama ang ginagawa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ang sinabi ni Speaker Martin G. Romualdez matapos na makakuha ng mataas na approval rating ang Marcos administration sa survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Setyembre 17 hanggang 21.

“The good showing means that President Bongbong Marcos is on the right track of governance,” sabi ni Romualdez.

Maganda umano ang naging umpisa ng administrasyon ng italaga ng Pangulo ang mga magagaling na indibidwal upang muling mapa-unlad ang ekonomiya.

Ayon sa Pulse Asia survey, nakakuha ang administrasyon ng 78 porsyentong approval rating sa pagtugon nito sa pangangailangan ng mga lugar na nasalanta ng kalamidad, at 78 porsyento rin sa pagkontrol ng gobyerno sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Romualdez na nagawang buksan ng gobyerno ang ekonomiya habang gumagawa ng mga hakbang para makontrol ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19.

Umapela rin si Romualdez sa publiko na magpa-booster shot na upang mapalakas ang laban sa health pandemic.

Mataas din ang nakuhang approval rating ng administrasyon sa pagbibigay ng proteksyon sa mga Overseas Filipino Workers (68 porsyento), pagpapanatili ng kapayapaan (69 porsyento), paglaban sa krimen (67 porsyento), at pantay na pagpapatupad ng batas (62 porsyento) at paglikha ng mapapasukang trabaho (59 porsyento).

Tiniyak naman ni Romualdez na mayroong ginagawa ang gobyerno upang tugunan ang tumataas na presyo ng bilihin bunsod ng mga external factor gaya ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo, pagkaantala sa supply chain bunsod ng pandemya, at kaguluhan sa Ukraine.

“Singly, each of these events already puts pressure on inflation. Their confluence makes matters worse for all consumers throughout the world,” dagdag pa ni Romualdez.

Nanawagan si Romualdez sa publiko na suportahan ang panawagan ng Pangulo na magkaisa para mapaganda ang kalagayan ng bansa.