Revilla

Revilla, sinabing “tinamaan ng kalintikan” pero bumangon

Mar Rodriguez Feb 13, 2025
25 Views

Revilla1LAOAG CITY – “TINAMAAN ng kalintikan subalit siya’y bumangon”.

Ito ang ipinahayag ng isa sa labing-dalawang kandidato ng “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (APBP) – ang tinaguriang “Agimat ng Masa” na si Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. patungkol sa paglulunsad ng unang arangkada ng “kick-off” rally ng mga administration candidates para sa darating na mid-term elections sa Mayo.

Sa kaniyang mensahe sa harap ng tinatayang siyam na libong mamamayan ng Laoag City na dumalo unang sultada ng campaign rally ng labing-dalawang Senatorial bet ng administrasyon na idinaos sa Ilocos Norte Centennial Arena, nagpasalamat si Revilla sa napaka-init na pagtanggap ng mga Ilocano sa lahat ng kandidato ng APBP.

Sinabi ni Revilla na ngayong 2025, ito ang ika-tatlong-pung taong anibersaryo ng kaniyang serbisyo publiko na nagsimula sa pagiging Bise-Gobernador ng Cavite, naging Gobernador ng lalawigan, naluklok bilang Chairman ng Videogram Regulatory Board (VRB) at naging Senador sa kaniyang kauna-unahang termino.

Ipinabatid pa ni Revilla na sa kaniyang unang kandidatura bilang Senador, siys ay naluklok sa ikalawang puwesto o “number two” bilang Senador sa tulong ng mga Ilocano. Habang sa kaniyang pangalawang pagtakbo naman noong 2010 ay nalagay naman siya sa “number one spot”.

Subalit binigyang diin nito na matapos siyang gawing “number one” ng mga Ilocan, dito naman aniya nagsimulang “magka-lintek-lintek ang kaniyang buhay o siya’y dumaan sa matinding pagsubok subalit sa kabila nito ay pinilit nitong maka-bangon.

“Dahil sa ginawa niyo akong number 1, nagka-lintek-lintek ako noon, pero ganun pa man. Ang inyong lingkod ay bumangon, grabeng panggigiba pero kahit ano pang giba ang gawin nila. Hindi tayo sumuko sa laban. Dahil ang aking paninindigan ay para sa bayan,” wika ni Revilla.

Pinagdiinan pa ng Senador na siya ay isang “mandirigma” sa mga kinakaharap nitong laban na kumuha naman ng mainit at masigabong palakpakan mula sa napakaraming manonood. Kung saan, ipinahayag ni Revilla na habang siya’y nasasaktan ay lalo siyang lumalaban. Habang siya ay naduduguan ay higit naman itong tumatapang.

“Hindi tayo sumuko sa laban. Dahil ang aking paninindigan ay para sa bayan at si Bong Revilla po ay isang mandirigma. Habang nasasaktan lalong lumalaban. Habang naduduguan lalong tumatapang at habang ako’y sinusugatan nila. Ako ay lalong popogi niyan,” sabi ni Revilla na lalong kumuha ng masigabong palakpakan mula sa mga manonood.

Kasabay nito, ibinida naman ni Revilla ang mga isinulong nitong panukala na naisabatas na kabilang dito ang “lifetime validity” ng mga birth certificate para sa mga Lolo at Lola at ang Expanded Centennial Law na isinulong naman ni Senadora Imee Marcos.

Sabi pa ng beteranong Senador, nasa dalawang-libong panukalang batas na ang kaniyang naihain at tatlong-daang panukala naman ang naisabatas na napapakinabangan na ng napakaraming mamamayan. Kasunod ang kaniyang pagsusumamo sa mga mamamayan ng Ilocos Norte na muli siyang pagkatiwalaan sa darating na halalan.