Calendar
Rice millers, importers, PNP pinasalamatan ng DA
NAGPASALAMAT si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa mga rice millers, importers at Philippine National Police (PNP) sa suporta sa mga inisyatibo ng pamahalaan na maibigay ang mas abot-kayang presyo ng bigas sa mga consumer.
Sa kanyang pakikipagpulong sa mga rice importer, pinuri ng kalihim ang rice millers at importers sa kanilang papel sa pagsuporta sa KADIWA ng Pangulo Rice-for-All rolling stores sa mga palengke sa Metro Manila.
Nagbebenta ang mga KADIWA ng Pangulo Rice-for-All rolling store ng well-milled na bigas sa presyong P40 at P45 per kilo simula pa noong Disyembre 21.
Mayroon ng 26 KADIWA rolling store at kiosks ang nagseserbisyo sa mga mamimili sa iba’t-ibang palengke at piling istasyon ng MRT at LRT at planong palawakin pa ito sa mga pangunahing palengke Metro Manila.
Bilang karagdagan sa KADIWA rolling stores at kiosks, 40 KADIWA center sa NCR at Bulacan ang nag-o-operate din.
Nagbibigay ang mga ito ng basic necessities at prime commodities (BNPCs), Rice-for-All at P29/kilo rice para sa mga mahihirap na sektor.
Nagpasalamat ang kalihim kay Police Major General Edgar Alan Okubo, acting chief ng PNP Directorial Staff, sa pagtiyak sa seguridad at maayos na operasyon ng mga KADIWA ng Pangulo.
“Umaasa kami na mas marami pang negosyo ang sasali sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matugunan ang inflation sa pagkain at matiyak na magiging abot-kaya ito para sa mga Pilipinong mamimili,” ani Tiu Laurel.
Bilang bahagi ng pagsisikap na maibaba ang presyo ng bigas, hinimok ng DA secretary ang mga importers na maglaan ng bahagi ng kanilang imports ng bigas ng 25% broken grain content.
Kalimitan nagpapasok ang mga importer ng iba’t-ibang uri ng bigas na mayroong 5% broken grains na mas mataas ang presyo sa mga pamilihan.
Nananatiling nakatuon ang ahensya sa pakikipagtulungan sa mga magsasaka at stakeholders upang masigurong maaabot ng bawat pamilyang Pilipino ang mura at de-kalidad na bigas.