News

Rider nakorner dahil nanghalihaw ng saksak

Edd Reyes May 8, 2026
24 Views

ARESTADO ang 48-anyos na rider na nasa viral video habang nanghahalihaw ng saksak gamit ang screwdriver sa magka-angkas na motorista na kanyang nakaalitan sa lansangan sa Taguig City.

Naganap ang insidente Huwebes ng alas-4:00 ng hapon sa masikip na daloy ng trapiko sa kanto ng Kalayaan at 8th Avenues, Brgy. Fort Bonifacio matapos magkaroon ng mainitang komprontasyon ang suspek at dalawa pang magka-angkas sa motorsiklo.

Sa ulat ni Taguig police chief P/Col. Julius Anonuevo kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nagsimula ang mainitang komprontasyon nang mag “dirty finger” umano ang suspek na si alyas “Sherwin” sa mga biktima habang tumatahak sa 8th Avenue.

Nang parehong mapahinto ang dalawang motorcycle riders sa ma-trapik na bahagi ng lansangan, dito na lumala ang kanilang komprontasyon, hanggang kumuha ng screwdriver ang suspek sa compartment ng kanyang motorsiklo at hinalihaw ng saksak ang dalawa na kapuwa nagtangkang tumakas matapos masugatan.

Mabilis namang nakapagresponde ang mga tauhan ng Taguig Police Sub-Station 1 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na mahaharap sa kasong tangkang pagpatay.