Rider Source: Bgy 192

Rider sumingit sa pagitan ng 2 sasakyan, nasagi ng trak, pisak

Edd Reyes Mar 9, 2026
114 Views

DEDO ang isang rider nang magulungan ng hulihang bahagi ng trailer truck Lunes ng madaling araw sa NAIA Road, Pasay City.

Dead-on-the-spot ang biktima habang nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng trailer truck na si alyas “Ernani”, 47, at driver ng Transportation Network Vehicle Service (TNVS) na si alyas “Salim”, 53, na nasagi ng rider habang nakahinto sa gitna ng bike lane.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, dakong ala-1:40 ng madaling araw nang huminto ang isang kotseng minamaneho ni alyas “Salim” sa kanang bahagi sa gitna ng bike lane ng NAIA Road ng ilang minuto hanggang sa dumaan ang 22-wheeler trailer truck na tinangka namang lagpasan ng rider na biktima.

Sumagi ang motorsiklo sa hulihang bahagi ng kotseng nakahinto habang tinatangkang lagpasan ang trailer truck na dahilan para pumailalim sa hulihang gulong ng truck.

Ayon sa nagrespondeng barangay, posibleng hindi kaagad napansin ng rider ang nakahintong kotse kaya’t pinilit na lang sumingit sa pagitan ng dalawang sasakyan na naging dahilan ng malagim na aksidente.

Ayon naman sa driver ng trailer truck, napahinto siya nang biglang may kumalabog sa bandang likuran na tila nasagasaan at hindi niya alam ang pagsingit ng motorsiklo sa pagitan nila ng nakahintong kotse.

Sa kabila ng kuha ng CCTV, iginiit umano ni alyas Salim na hindi naman siya huminto kundi dahan-dahan lang ang pagpapatakbo kaya’t hindi nakasindi ang kanyang hazard light.

Inihahanda ng ng pulisya ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in homicide at damage to property laban sa driver ng trailer truck at ng TNVS.