Ridon

Ridon: Bagong ₱300M abiso ng COA karagdagang ebidensiya ng maling paggamit ng confidential funds

31 Views

KAHIT na ang pinal na pasya ng Commission on Audit (COA) hinggil sa pagbabalik ng ₱73 milyon na confidential funds ay naging sentrong isyu na sa mga paglilitis ng impeachment laban kay

Bise Presidente Sara Z. Duterte, may hiwalay na notice of disallowance na sumasaklaw sa hindi bababa sa ₱300 milyon na kumakatawan sa karagdagang posibleng pananagutan mula sa parehong usapin.

Ayon kay House Committee on Public Accounts Chair Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list, na miyembro rin ng House Committee on Justice, hindi dapat ipagkamali ang mas bagong disallowance sa nauna nang pinal na aksyon ng COA.

“Magkaibang usapin ito. Pagdating sa ₱73 milyon, tapos na iyon sa COA. Kung nais pa nila itong kuwestiyunin, ang susunod na hakbang ay hindi na sa loob ng proseso ng COA kundi sa Korte Suprema,” ani Ridon.

“Ngunit may bago ring notice of disallowance na sumasaklaw sa hindi bababa sa ₱300 milyon na confidential funds. Kaya hindi nagtatapos ang usapin sa naunang kaso, dahil may hiwalay na ND na pinag-uusapan ngayon,” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag ni Ridon na hindi tulad ng ₱73-milyong disallowance na may pinal nang desisyon ng COA at kaukulang personal na pananagutan para sa mga opisyal na pinangalanan, ang mas bagong halaga ay nasa gitnang yugto pa ng proseso ng audit.

“Sa puntong ito, notice of disallowance pa lamang iyon. Ang malamang na susunod na hakbang ay apela sa COA Commission Proper, kaya nasa intermediate stage pa ito kumpara sa nauna,” paliwanag niya.

Binigyang-diin niya na kapag naging pinal ang notice of disallowance, ang pananagutan ay hindi lamang para sa opisina kundi pati na rin sa mga opisyal na tinukoy sa desisyon.

“Kapag naging pinal ang findings ng COA, hindi na ito usapin ng opisina lamang. May personal na pananagutan na ang mga pinangalanan sa disallowance,” aniya.

Ayon pa kay Ridon, ipinapakita ng karagdagang disallowance na ito na ang kontrobersiya sa confidential funds ay hindi lamang limitado sa isang yugto o hiwalay na audit finding, kundi maaaring bahagi ng mas malawak na padron ng mga transaksiyon na kasalukuyang sinusuri.

Ipinapahiwatig din nito na ang posibleng legal at politikal na pananagutan kaugnay ng paggamit ng confidential funds ay maaaring patuloy pang lumawak, kahit nagpapatuloy ang gawain ng House Committee on Justice sa impeachment.

Dagdag pa ni Ridon, tulad sa naunang disallowance, nananatiling pangunahing isyu ang kabiguan ng mga kinauukulang opisyal na magbigay ng sapat na dokumentasyon upang patunayan ang mga kinuwestiyong gastusin alinsunod sa mga tuntunin ng COA.

“Upang maging malinaw, iisa pa rin ang paulit-ulit na isyu: hindi nila maipakita nang maayos ang mga ulat at supporting documents para mapatunayan ang paggamit ng confidential funds,” diin ni Ridon. “At kung magiging pinal din ang mga ganitong findings, malinaw na may personal na pananagutan din sa mga susunod na disallowance.”