Ridon2

Ridon, Cendaña binira pahayag ng DTI na P500 kasya pang-Noche Buena

503 Views

DALAWANG mambabatas ang nagpahayag ng pagtutol nitong Biyernes laban sa pahayag ni Trade Secretary Cristina Roque na sapat ang P500 na badyet para sa Noche Buena ng isang pamilyang Pilipino.

Ang ganitong pahayag anila’y hindi isinasaalang-alang ang tumataas na presyo ng pagkain at ang tradisyon ng maayos na handa tuwing Pasko.

Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, chair ng House public accounts committee at miyembro ng trade and industry panel, hindi tugma sa aktuwal na gastusin ng mga pamilya tuwing Pasko ang pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI).

“Sa anong planeta kasya ‘yung P500 para sa Noche Buena ng pamilyang Pilipino?” tanong ni Ridon.

Binanggit niya na hindi ito ang unang beses na iginiit ng ahensiya na sapat ang P500.

“Hindi ito ang unang beses na iginigiit ng Department of Trade and Industry na sapat ang P500 para sa Noche Buena ng isang ordinaryong pamilya. Nagawa na nila ito noon; ang kaibahan lang ngayon, mismong si DTI Secretary Cristina Roque na ang nagsasabing ayos at sapat na ito,” aniya.

Ani Ridon, alam ng bawat Pilipino kung ano ang hitsura ng totoong Noche Buena: “may spaghetti, may keso, at minsan may hamon kung may sapat na ipon para sa pagdiriwang ng Pasko.” Ngunit sa kasalukuyang presyo, aniya, “kahit simpleng spaghetti at keso, hindi na kasya sa P500 na sinasabi ng DTI Secretary ― lalo na kung hindi lang isa ang kakain sa pamilya.”

Binigyang-diin niya na walang humihiling na magkasya ang mga pamilya sa P500 ― ngunit tungkulin ng gobyerno na tiyakin na abot-kaya ang presyo ng mga bilihin pang-Pasko.

“Ang mas mahalaga sa mga Pilipino ay ang pagtitiyak ng gobyernong mananatiling mababa at abot-kaya ang presyo ng mga sangkap at pangangailangan para sa pagdiriwang ng Pasko,” pahayag ni Ridon.

Mas matindi ang pahayag ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña, na nagsabing ang pagtataya ng DTI ay makatuwiran lamang kung babalik sa nakaraan.

“Kasya ‘yan if you travel back in time!!” aniya. “Habang nalulunod sa taas-presyo ang ating mga kababayan, nakakainsulto ang mga ganitong paandar.”

Binanggit ni Cendaña na paulit-ulit na sinasabi ng ahensiya ang parehong pahayag mula pa noong 2022 kahit patuloy ang pagtaas ng presyo ng pagkain.

“Since 2022 pa nila sinasabi sapat na ‘yung P500 for a decent Noche Buena for a family. Baka dun sa imaginary family ng DTI nag-OOMAD sila for the holiday season,” aniya.

Hinimok niya ang administrasyon na suportahan ang mga panukalang tunay na magpapagaan sa pasanin ng mga manggagawa.

“Mabuti pa, i-certify ng pamahalaan ang P200 taas sweldo para may pang-celebrate naman ang mga manggagawa ngayong Pasko,” sinabi ni Cendaña.

Nauna nang sinabi ni Roque na ang P500 na pagtataya ay para sa isang pamilya na may apat na miyembro ― ina, ama at dalawang anak ― ngunit agad itong binatikos online ng mga Pilipinong nagsasabing hindi makatotohanan ang halaga sa gitna ng pagtaas ng presyo ng pasta, keso, hamon at iba pang pang-Pasko.

Parehong iginiit nina Ridon at Cendaña na ang reaksyon ng publiko ay sumasalamin sa nararamdaman ng maraming pamilya: na ang saya ng Pasko ay hindi dapat nakatali sa imposibleng badyet, kundi sa mga patakarang magpapababa ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan.