Kaufman Defense lawyer ni dating pagulong Rodrigo Duterte na si Nicholas Kaufman

Ridon pinabulaanan depensa ni Duterte sa ICC

150 Views

TINANGGIHAN nitong Sabado ng isang lider ng Kamara ang argumentong iniharap sa International Criminal Court (ICC) na ang mga pahayag ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte tungkol sa drug war ay mga biro lamang, pagmamalabis (hyperbole), o tayutay, at sinabing hindi maaaring iaplay ang ganitong depensa sa pinakamataas na opisyal ng bansa.

Sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, tagapangulo ng House Committee on Public Accounts, na ang isyu ay higit pa sa usapin ng semantika at tumatama sa kung paano isinasagawa at tinatrato ang mga pahayag ng pamahalaan sa aktuwal na kalakaran.

“Alam po ninyo, ang lahat ng sinasabi ng mga matataas na pinuno ng pamahalaan, ito po ay tinatrato bilang magiging patakaran. Ibig sabihin, wala po ang ‘yung hyperbole, wala pong puwang ‘yung figures of speech sa paglalatag po ng mga patakaran,” ani Ridon sa Saturday Media Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Ayon sa kanya, maging pangulo man o bise presidente, ang mga pahayag na binibigkas sa publiko ay hindi itinuturing na biro, lalo na kung may kinalaman ito sa mga banta at nagmumula sa pinakamataas na opisyal ng bansa na may kapangyarihan sa pulisya at militar.

Nagbigay ng pahayag si Ridon matapos igiit ng defense lawyer na si Nicholas Kaufman sa pagdinig ng ICC para sa confirmation of charges na ang mga pampublikong pahayag ni Duterte—na madalas sipiin ng mga tagausig—ay hindi dapat unawain nang literal kundi bilang retorikang pampulitika lamang.

Ang kaso sa ICC ay tumutukoy sa mga paratang ng crimes against humanity kaugnay ng libu-libong pagkamatay sa panahon ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

Iginiit ng mga tagausig na ang mga pahayag ng dating pangulo ay naghikayat o nagsenyas ng mga nakamamatay na operasyon, samantalang sinabi naman ng depensa na mga retorika lamang ang mga ito.

Ayon kay Ridon, umiikot ang kaso sa tanong kung ang mga sinabi ng dating pangulo ay biro, pagmamalabis o tayutay lamang, o kung may aktuwal itong bigat at impluwensiya sa mga operasyon.

“Ang sinasabi po nila, sa bawat panahon na nagbibigay ng banta ang dating pangulo, meron pong namamatay na mga biktima ng Duterte drug war,” ani Ridon.

“So ibig sabihin, parang ang teorya po ng prosekusyon, merong actual control over anti-drug activities. Ang pangulo po mismo, base sa mga salita ng pangulo,” dagdag niya.

Sinabi ni Ridon na ang ICC ang magpapasya sa huli kung uusad ang kaso sa ganap na paglilitis, ngunit iginiit niyang dapat kilalanin ng mga opisyal ng pamahalaan ang bigat ng kanilang mga salita.

“I think it is a good policy for high government officials na wala hong jokes dito. Kumbaga, kung ano ho ‘yung sinasabi po natin, ‘yan po ‘yung pinakikinggan ng mga kababayan po natin, ‘yan po ‘yung pinaniniwalaan,” aniya.