Sara

Ridon: Pres’l survey bago ang boto ng House pinakita di “invincible” si VP Duterte

27 Views

ISANG survey hinggil sa mga posibleng kandidato sa pagkapangulo sa 2028 ang nagpakita na si Bise Presidente Sara Z. Duterte ay “hindi invincible,” taliwas sa ilang pananaw, ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon nitong nakaraang weekend.

Sinabi ni Ridon, abogado at chairman ng House Committee on Public Accounts, sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City na naniniwala siyang nakumbinsi ng resulta ng survey ang marami niyang kasamahan sa House of Representatives na bumoto pabor sa impeachment laban sa Bise Presidente noong nakaraang Lunes.

Ayon sa kanya, inilantad ng survey ang inaakalang pagiging “invincible” ni VP Duterte.

“Sa tingin ko kahit iyong survey na binabanggit ninyo kung saan tabla sina Vice President Sara Duterte at Senator Raffy Tulfo, at napakalapit ng lamang sa head-to-head nina Vice President Lenny Robredo at Vice President Sara Duterte, sa tingin ko po ay na-unmask o nabunyag ang aura ng sinasabing invincibility ng ating Pangalawang Pangulo,” ani Ridon.

“Sa tingin ko nakadagdag po ito sa tapang ng ating mga kinatawan upang manindigan at i-impeach si Vice President Sara Duterte,” dagdag ni Ridon, na miyembro rin ng House Committee on Justice.

Tinutukoy niya ang impeachment vote noong nakaraang Lunes kung saan 257 miyembro ng Kamara ang bumoto pabor sa impeachment laban sa Bise Presidente.

Sinabi ni Ridon na nagulat siya sa resulta ng botohan dahil inasahan lamang niyang 215 miyembro ng Kamara ang boboto para sa impeachment, kapareho ng bilang noong nakaraang impeachment process.

“Malayo nga ang sinabi ko, 215… pero umabot pa rin sa 257. Ang aktuwal kong inaasahan noong araw na iyon ay nasa 230 hanggang 235 lamang ang boto pero naging 257. Ang 257 ay katumbas ng 80 porsyento ng kabuuang bilang ng Kamara. Kaya overwhelming po ang boto para i-impeach ang Bise Presidente,” aniya.

Sinabi rin niya na maging ang mga miyembro ng Kamara mula sa mga kilalang balwarte ng mga Duterte ay bumoto pabor sa impeachment ng Bise Presidente.

“Kahit sa pinakamalalakas na balwarte ng Vice President at ng mga Duterte sa Mindanao, Cebu, at Visayas, hindi ito pumabor sa Vice President. Kaya sa tingin ko mahalagang punto iyon,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Ridon na dapat kilalanin ng Senado ang napakalakas na sentimyento ng Kamara para mapatalsik si Duterte.

“At pagdating sa Senado, dapat iyon din ang makita ng lahat ng political actors. Malinaw na nagsalita ang Kongreso mula sa iba’t ibang panig, kulay, at pananaw na may dahilan upang i-impeach ang Bise Presidente sa ikalawang pagkakataon sa ilalim ng dalawang magkaibang Kongreso,” diin ni Ridon.