Hontiveros

Risa kay Apollo: Senado hindi mag-aadjust ke Apollo

137 Views

HINDI kailangan mag-adjust ang Senado upang mapagbigyan na lamang palagi ang lider at founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo C. Quiboloy.

Ito ang inihayag ni Sen. Risa Hontiveros na siyang chairperson ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality kung saan ay ipinaliwanag niya ang kahalagahan kung bakit kailangan humarap si Quiboloy sa Senado, upang punto per punto niyang masagot ang mga alegasyon laban sa kanya ng mga testigo.

“Ang masasabi ko lang diyan, bakit Senado ang mag-a-adjust sa kanya? The Senate will not bend its rules and procedures for you, Pastor Quiboloy, even if you are, as you say, a self-appointed son of God. Hindi kami para utusan mo,” ani Hontiveros na nagsabing hindi katanggap-tanggap maging ang 17 kondisyones na kamakailan lamang ay hiningi nito bago siya pormal na dadalo sa pagdinig.

Ayon pa kay Hontiveros, imbes na sinasayang lamang ni Quiboloy ang oras at panahon sa walang patid na pangangatwiran at palusot ay humarap na lamang aniya ito bilang isang maginoong tao bilang pagbibigay respeto sa institusyon ng Mataas na Kapulungan.

Matatandaan na si Quiboloy ay makailang ulit nang inimbitahan ngunit patuloy din nitong iniisnab ang senado maging ang subpoena na ipinadala para sa kanya kung kaya nagbigay ng ultimatum si Hontiveros na i-cite ito for contempt.

Samantala, matapos ang pitong araw na ibinigay kay Senator Robinhood Padilla na makalikom ng pirma ng mayorya na miyembro ng komite at matapos mabigo ang aktor na naging senador na makakuha ng suporta sa kanyang hindi pagsang-ayon na maisyuhan ng warrant of arrest si Quiboloy, ay naghain naman ng mungkahi ang pangulo ng Senado na si Senate President Miguel Zubiri kay Hontiveros na pagusapan muna nila ito.

Ayon kay Zuribi, kamakailan lamang ay nagpahayag na ang Korte Suprema ng desisyon sa Pharmally issue kung saan ay inihayag ng korte na kailangan gawin ang lahat ng nararapat upang ibigay ang karapatan ng akusado na makasagot upang hindi maging pang-aabuso sa karapatan ng sinumang humaharap sa pagdinig.

Ayon kay Zubiri ang isa pang pagdinig ay makatuwiran sapagkat makapagpapalabas umano ng maayos ang komite ng show cause order laban kay Quiboloy sakaling patuloy nitong isnabin ang komite at may sapat na silang dahilan para isyuhan ito ng warrant of arrest.

Dagdag pa ni Zubiri, ayaw niyang labagin ang Supreme Court ruling kung kaya ito aniya ang dapat munang gawin ng Senado sa pagdinig sa umano’y reklamong pang-aabuso at iba pang krimen na idinadawit sa pangalan ng pastor at lider ng KOJC.

Wala rin aniyang nakikitang masama si Zubiri kung gagawin ito ng komite upang maigawad ng maayos kay Quiboloy ang lahat ng pagkakataon para ito makaharap sakaling magbago ang isip nito.

“I think I will talk to Sen. Hontiveros first. Recently, the Supreme Court came out with a ruling on the issue of Pharmally where it says that it is important to exhaust all legal avenues as part of due process before issuing a ruling of indirect contempt,” ani Zubiri.

“Pag nag-show cause order ang committee under Sen. Hontiveros and they decided that the answer of Quiboloy is not sufficient and that he will continuously refuse to come to the Senate, then it is ministerial on the part of the Senate to immediately issue his arrest warrant,” dagdag pa nito.

Hindi naman nagkumpirma ng anuman si Hontiveros ngunit pinaniniwalaan na aabot hanggang buwan ng Mayo ang pagiisyu ng warrant of arrest kay Quiboloy dahil sa show cause order na hiniling ni Zubiri.

Nauna rito, ikinatuwiran ni Hontiveros na walang katotohanan ang sinasabing kinukuyog si Quiboloy.

Pinasinungalingan din niya ang sinasabing politika lamang ang nasa likod nito kung saan ay niliwanag niyang hindi naman politiko si Quiboloy at ang imbestigasyon ay nakatuon umano sa mga krimen na ginawa niya laban sa mga miyembro niyang biniktima niya mismo.

“Hindi po kami nagkukuyog laban kay Pastor Quiboloy. Kaya kami nagiisyu ng subpoena dahil sa hindi niya pinapansin ang anumang imbitasyon ng komite kaya kami nag-cite for contempt.

Bukod dito, hinayaan ko ang isa sa mga miyembro ng mayorya na makabuo ng numero para kung nais nilang baliktarin ang aking ruling,” paliwanag ni Hontiveros.

Pinagwalang bahala niya rin ang mga paratang na wala umano batas na puwedeng mabuo sa kanyang ginagawang pagiimbestiga laban kay Quiboloy.

Ayon pa sa senadora, ang karapatan ng mga kababaihan at kabataan sa ilalim ng isang religious group ay dapat mabigyan ng linaw sa ilalim ng batas gayundin sa klasipikasyon ng mga trabahador ng SMNI na hindi mabigyan ng tamang kategorya kung ito ay sa ilalim ng relihiyon o saklaw ng estado sa ilalim ng labor law.

Kinumpirma din ni Hontiveros na iimbitahin ang ilan sa mga opisyales ng Anti-Money Laundering Council upang masusing pagaralan ang mga nilahad ng isang OFW na si Reynita Fernandez, isang domestic helper sa Singapore, na nagkuwento sa iba’t ibang pamamaraan ni Quiboloy para maipadala ang pera ng mga OFWs kasama na ang mga limos na nakukuha sa ibang bansa gamit ang iba’t ibang pangalan.

Samantala, kinumpirma naman ni Senadora Nancy Binay na siyang vice chairperson ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality na sadyang hindi siya pipirma kay Padilla dahil naniniwala aniya siyang dapat irespto ang desisyon ng chairperson na padaluhin si Quiboloy sa pagdinig.

“I respect and yield to the wisdom of the Senate chairperson,” ani Binay.

Hindi rin aniya sangayon si Binay na payagan ang ganitong pang-iisnab sa Senado dahil magiging isang masamang umpisa para sa mga susunod pang pagdinig at magiging kaya-kayanin na lamang ang Senado ng mga iba pang dadalo.

“Parang hindi katanggap-tanggap sa akin na hindi sisipot ang isang resource person na pormal na inimbita ng senado. At sakaling na-reverse naman ang ruling ng chairperson, this is the first time na mangyayari ‘yun. Mawawalan ng power ang Senado kapag hinayaan natin ‘yan,” ani Binay.

Pinagtapat din ni Binay na dalawang beses lamang niya natatandaan nakita ang pastor ng KOJC sa panahon ng kanyang ama na si dating Vice President Jejomar Binay noong ito ay tumatakbo pa bilang VP.

“I think twice kami nag-meet kasama ako ng father ko when he was VP. Hindi ko sure kung kasama ako sa kanya na endorso but as far as I am concerned, sobrang serious ang mga allegations and I want to listen to his side of the story,” giit ni Binay.

Nauna rito, sinabi ni Padilla na hayagan niyang tinututulan ang contempt laban kay Quiboloy kung saan ay tinuturing aniya si Quiboloy bilang isang bayani na lumalaban sa mga NPA.