China Source: FB file photo

Risa kondena ang China sa patuloy na ‘pambu-bully’

118 Views

KASUKLAM-SUKLAM at sobrang manhid.”

Ito ang mariing salitang binitiwan ni Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros nang kanyang kinondena ang kamakailan lamang na pagpapakita ng pang-aabuso ng mga Chinese Coast Guard na umano’y kinuha ang mga delivery ng suplay ng pagkain at mga gamot sa mga sundalong nakadetine upang magbantay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

“China’s continued wanton disregard for valuable food resources is now on full display. Hindi lang pala likas yaman ang sinasayang nilang pagkain, pati supply ng pagkain ng ating mga tropa, sinayang nila. Kasuklam-suklam rin ang pagharang nila sa serbisyong medikal ng mga sundalo,” ani Hontiveros.

Ayon pa kay Hontiveros, ang ganitong uri ng gawain ang pagpapakita na ang isang superpower na tulad ng China ay hindi alam kung papaano bigyan ng respeto ang karapatan ng mga PIlipino at wala ni kaunting awa para sa kapuwa tao.

“Our troops have been guarding the BRP Sierra Madre with integrity, dignity, and honor. Saludo ako sa kanilang katapangan at hinahon sa gitna ng panliligalig ng Tsina. Wala na nga silang respeto sa soberanya ng Pilipinas, wala pang pinapakitang respeto sa kapuwa nila tao,” ang pahayag ng naghihimutok na si Hontiveros.

Gayundin, sinabi ng senadora na malabong malabo ang diplomasyang sinasabi ng mga lider ng Tsina na dapat isagawa sa rehiyon, sapagkat iba aniya ang ginagawa ng mga ito sa katotohanan kumpara sa salita lalo’t sa isyu ng West Philippine Sea.

“If we are to have a chance at settling our disputes, China must show a measure of good faith by reining in her Coast Guard. Kahit karagatan natin, ni minsan hindi tayo nang-harass at hindi nambastos ang ating tropa laban sa mga Tsino,” paglilinaw ni Hontiveros.

Nauna rito, sinabi ni Hontiveros na sakaling isagawa ng China ang banta nitong pagkulong sa sinomang mga banyaga lalo’t mga Pilipino na tatawid o tutunton sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas na inaangkin nila ay tahasan nilang isasagawa ang pagdakip sa mga maglalakas loob na gawin ito.

Iminungkahi ni Hontiveros na napapanahon na upang sundin ang payo ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na magsampa ng kaso sa international court laban sa mga pangaabuso ng China.

“Should Beijing dare push through with this illegitimate regulation, the Philippines’ hand may be forced to sue them again in the Hague Tribunal,” giit ni Hontiveros na tumutukoy sa Permanent Court of Arbitration, na siyang nagbigay ng desisyon pabor sa Pilipinas noong 2016 ukol sa inaangkin ng China na “nine-dash-line” na halos ay sasakop na sa buong South China Sea.

Matatandaan na mismong ang Hague-based tribunal ang nagpahayag ng desisyon na mali ang China at ang ginagawa ng mga ito laban sa klarong pagtapak sa karapatan ng Pilipinas bilang tunay na may soberanya na magsagawa ng pangingisda at petroleum exploration, lalo’t patuloy ang mga ito sa paglalagay ng kanilang artificial island at pagharang sa mga Pilipinong pumunta sa karagatan ng Pilipinas.

Mismong ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nagsabing handang tumayo ang Pilipinas sa karapatan nito at sakaling may isa man sa mga Pilipino ang mamatay, maging ito’y sibilyan o miyembro ng Coast Guard gayundin ng kasundaluhan, ay tatayo ang Pilipinas at isasagawa ang Mutual Agreement Treaty sa pagitan ng bansa at ng United States dahil ito aniya ay isang “act of war.”

Kinampihan ni Hontiveros ang kasalukuyang pamahalaan sa pagsabing dapat lamang na makipag-alyansa sa mga bansang tulad ng US, maging sa Japan, Australia at France na handang magsagawa ng joint patrol sa EEZ ng Pilipinas

Iginiit din ni Hontiveros na dapat siguruhin ng tamang ahensiya ng gobyerno ang seguridad at kapakanan ng mga sundalo na naroroon at nagbabantay sa BRP Sierra Madre.

“I trust that the Department of National Defense will reinforce our soldiers stationed on Ayungin Shoal. We will not allow China to relentlessly demean our troops, our people,” ani Hontiveros.

Para naman kay Sen. Nancy Binay, ang kabutihang loob, pagmamalasakit at respeto sa kapuwa ay dapat isagawa hindi lamang sa panahon na tahimik at may kaayusan, kundi kahit sa gitna ng giyera ng mga bansa.

“Be it in times of war or in peace, it is imperative that all nations uphold the principles of empathy, compassion, and respect for human life as enshrined in the Geneva Convention. Personally, I express my deep concern and condemnation over the recent actions by the Chinese coast guards in Ayungin Shoal,” sabi ni Binay.

“Ang ganitong mga aksyon ay nagpapakita ng tahasang pagwawalang-bahala sa mga pangunahing prinsipyo ng makataong pagtrato at malasakit, na lumalabag sa mga napagkasunduang protokol ng Geneva Convention na nagtatakda ng makataong pagtrato sa mga sugatan at may sakit. The obstruction of medical aid to our personnel is an affront to these international norms and human dignity,” ani Binay.

Sinabi pa ni Binay na sadyang dapat manindigan ang bansa dahil ito aniya ang nasa tama at may karapatan kung katotohanan ang pagbabasehan.

“Handa ang Pilipinas na itaas ang usaping ito sa pinakamataas na pandaigdigang mga forum, kabilang ang United Nations, upang makamit ang katarungan at masiguro ang proteksyon ng mga karapatan ng ating mga mamamayan. We will continue to stand firm in our resolve to protect our people and our sovereignty. The safety and well-being of our citizens will always be paramount,” giit pa ni Binay.