Calendar

Risa nanawagan ng suporta, tulong para sa madedeport na Pinoy sa US
NANAWAGAN si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros sa gobyerno na tulungan ang mga Pilipinong maaaring maharap sa deportasyon mula sa Estados Unidos, kasunod ng mas pinahigpit na kampanya ng administrasyong Trump laban sa mga imigrante.
“The Philippine government has an obligation to protect all Filipino nationals, wherever they are in the world. Kung may mga Pilipinong tuluyang ma-deport pabalik ng Pilipinas, dapat handa na rin ang gobyerno para tanggapin at suportahan sila,” ani Hontiveros.
Hinimok din ng senadora ang Embahada ng Pilipinas sa US at ang mga konsulado nito na maglaan ng sapat na pondo, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers, bilang paghahanda sa posibleng repatriation ng mga Pilipino.
Ipinahayag ni Hontiveros ang pahayag na ito matapos makipagpulong sa mga lider ng Asian Pacific American Labor Alliance (APALA), na nagbahagi ng sitwasyon ng mga Pilipinong posibleng mapilitang umalis sa US.
Ayon sa APALA, may mga legal na remedyo na maaaring magamit ang mga Pilipino sa US, lalo na ang mga undocumented immigrants, sa ilalim ng mga batas sa imigrasyon ng Amerika.
Gayunpaman, ang kakulangan nila sa tamang legal na tulong ay maaaring magresulta sa kanilang deportasyon nang walang due process.
“Huwag nating hayaang maabuso ang mga kababayan natin sa Amerika. Their rights under US immigration laws should be made known to them and the PH government should help them exercise those rights,” ani Hontiveros.
“It is the Constitutional duty of the Philippines to safeguard the welfare and wellbeing of overseas Filipinos. Sa panahong talamak ang mga pagbabanta at pananakot sa mga foreigner sa Amerika, sana huwag talikuran ng ating gobyerno ang ating kapwa Pilipino,” pagtatapos niya.