Calendar
Risa: Tiyakin walang dayuhang aabusuhin mga PH institusyon
DAPAT LANG!
Ito ang inihayag ni Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros kung saan ay sinabing niya na suportado niya inisyatiba ng Office of the Solicitor General (OSG) na bawiin ang mga pekeng birth certificates na nakuha ng mga dayuhang nasyonal. Hinimok niya ang pamahalaan na bigyang-priyoridad ang pangangalaga sa integridad ng mga institusyong Pilipino ngayong bagong taon matapos abusuhin ito ng ilan mga dayuhan.
“Ngayong bagong taon, dapat New Year’s resolution na ng gobyerno ang matiyak na walang dayuhan ang mananamantala ng ating mga institusyon,” ani Senadora Hontiveros.
Binanggit niya ang posibilidad na may iba pang dayuhan na maaaring gumagamit ng pekeng Philippine birth certificates at nanawagan siya sa mga awtoridad na tukuyin at litisin ang mga ganitong kaso. Hinikayat din ng senadora ang pagbabantay laban sa mga indibidwal at grupo, partikular na ang mga konektado sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), na ginagamit umano ang mga mapanlinlang na paraan upang makuha ang pagka-Pilipino.
“Nararapat din na trabahuin na ng OSG ang pagkuha sa mga ari-ariang iligal na ginamit ng mga POGO. These properties should then be used as reparation for human trafficking victim-survivors, as stated in the Anti-Financial Account and Scamming Act,” aniya pa.
Muling iginiit ni Senadora Hontiveros ang panawagan para sa pagpasa ng Anti-POGO Act sa 2025, na nakatuon sa pangangailangang magkaroon ng komprehensibong batas para sugpuin ang mga scam, karahasan, at panlilinlang na konektado sa industriya ng POGO.
“I hope the year 2025 is the year we finally pass the Anti-POGO Act. Kailangan natin ng komprehensibong batas para masigurado na wala nang POGO ang mangscascam, mananakit, at manlilinlang sa napakaraming tao,” dagdag niya.