RIT Nahuli ng mga operatiba ng MPD-Binondo Station 11 ang dalawang lalaki na may dalang 9 mm na baril at pen gun sa Binondo, Manila.

RIT nakorner matapos ang habulan, arestado sa baril

Jon-jon Reyes Sep 5, 2024
17 Views

TIKLO ang pinaghihinalaang riding-in-tandem (RIT) na may dalang 9 mm na baril, pen gun at mga bala sa mga miyembro ng Manila Police District-Binondo Police station 11 sa Tomas Mapua at Ongpin Sts., Binondo, Manila noong Martes.

Ayon kay Police Lt. Col. Roberto Mupas, hepe ng MPD Binondo Meisic Police Station 11, nahuli sina alyas Bam, 27, at alyas Nico, 26, ng mga operatiba ng MPD Tactical Motorized Rider Unit (TMRU) bandang alas-3:25 ng umaga lulan ng Nmax motorcycle.

Hindi agad nahuli ang pinaghihinalaang RIT dahil nagkaroon pa ng habulan hanggang sa makorner ang mga suspek.

Maliban sa dalawang baril, nakuhanan din ang dalawang suspek ng tatlong cellphone.

Malaki ang hinala ng mga awtoridad na “tirador” ang dalawa sa Binondo at Tondo, Manila.

Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to Person in Authority or Agent of such Person) at Republic Act 10591.