Rizal Matinding aksyon sa laro ng Rizal at Pampanga.

Rizal, Parañaque humataw agad

Robert Andaya Apr 11, 2024
186 Views

GINULAT ng Rizal XentroMall ang defending national champion Pampanga, 78-71, at pinadapa ng Parañaque ang Manila SV Batang Sampaloc, 82-78, sa dalawang malaking upsets sa MPBL (Maharlika Pilipinas Basketball League) Season 6 sa Villar Coliseum sa Las Piñas.

Nagtala si Kraniel Victoria ng 16 points, seven rebounds, seven assists at three steals para sa Rizal, na nagpakita ng kakaibang sigla sa second half upang madomina ang laro para sa una nitong panalo sa two-division, 30-team tournament.

Matindi din ang mga laro nina Keith Agovida, na may16 points, six rebounds, six assists at three steals, at Alwyn Alday, na may double-double na 12 points at 13 rebounds para sa Rizal, na humabol pa mula 13-32 deficit at itabla ang laro sa halftime, 38-all.

Ang Pampanga, na naglaro na wala sina MPBL MVP Justine Baltazar at head coach Gov. Dennis Pineda, ay pinangunahan nina Kurt Reyson (13 points), Brandon Ramirez (11 points, 12 rebounds) and Kevin Kyle Santos (11 points, 11 rebounds).

Si Gov. Pineda ay naa abroad.

Samantala, sumandal ang Parañaque sa 1-2 punch nina Jielo Razon at Mark Yee upang biguin ang Manila sa isa pang kapana-panabik na enkuwentro.

Umiskor si Razon ng 25 points, kabilang ang five triples, at eight rebounds, habang nagdagdag si Yee ng 18 points, kasama ang two triples, at game-high 18 rebounds para sa Patriots ni coach Michael Saguiguit.

Naka-agapay nila sina John Rey Villanueva (15 points, six rebounds); Paul Sarao (eight points, four rebounds), John Uduba (seven points, eight rebounds) at Philip Manalang (11 assists, two points).

Para sa Manila, gumawa sina Carl Bryan Cruz, Fil-Am player DJ Mitchell at Ahmad Didat Hanapi ng tig 13 points at Pao Javelona ng 10 points.

Sa unang laro, pinabagsak ng Iloilo United Royals ang Bacolod City of Smiles, 85-67.

Nanguna sina Chris Doliguez at Rey De La Rosa sa kanilang tig 15 points para sa Iloilo, na kumawala sa dikit na labanan simula second half.

Nagdagdag si Doliguez ng five rebounds at De La Rosa ng four rebounds at two assists para sa Iloilo ni coach Mac Abolucion.

Ang homegrown stars na sina Mark Nonoy at Jason Credo ay may 10 at siyam na puntos.

Ang Bacolod ay nakakuha ng 15 points, six rebounds at four assists mula kay Danny Marilao, at 10 points at 14 rebounds mula kay Nichole Ubalde.