Guadiz

Rob-rape ng app driver sa dayuhan pinatitingnan ng LTFRB

Jun I Legaspi Sep 11, 2024
145 Views

PINAIIMBESTIGAHAN na ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Teofilo Guadiz III ang kaso ng pagnanakaw at sexual assault ng isang ride-hailing app driver sa isang Vietnamese national.

Sinabi ni Guadiz na nagpadala ang LTFRB ng liham sa ride-hailing company para ipaliwanag kung ano ang nangyari sa insidente.

Ang hakbang na ito anya ay bahagi ng kanilang isinasagawang imbestigasyon para matukoy kung sino ang mananagot.

Sinabi ng LTFRB chief na binibigyan nila ng limang araw ang ride-hailing company para magpaliwanag bago magdesisyon kung anong aksyon ang gagawin.

Binigyang-diin pa ng opisyal na kung mapapatunayang may kapabayaan ang ride-hailing company, maaari itong mapatawan ng parusaa gaya ng suspensyon nang hindi bababa sa 30 araw.

“Sa ngayon po pinapakuha po namin ang mga datos at may five days po ‘yan para sumagot ang PNC company po, ang Grab,” saad ni Guadiz.

Binigyang-diin pa ni Guadiz na maaari ring pagmultahin ang kumpanya.

Hinimok din ng LTFRB chief ang riding public na palaging maging maingat sa paggamit ng ride-hailing apps, at magdagdag ng layer ng proteksyon sa pamamagitan ng pagpapaalam sa isang pinagkakatiwalaang tao tungkol sa mga detalye ng biyahe.

“Hinihikayat namin ang riding public na mag-ingat kapag gumagamit ng ride-hailing apps. Palaging i-verify ang pagkakakilanlan ng driver, ibahagi ang mga detalye ng iyong biyahe sa isang pinagkakatiwalaang tao, at manatiling alerto sa buong paglalakbay upang matiyak ang iyong kaligtasan,” diin ni Guadiz.

Tiniyak din niya sa publiko na ang kaso ay masusing iimbestigahan at haharapin ng LTFRB.