Sen. Robinhood "Robin" C. Padilla

Robin isinulong pagtiyak sa kalayaan ng pananampalataya para sa pag-unlad ng PH

140 Views

ANG pagtiyak ng kalayaan ng pananampalataya ay susi sa pag-unlad ng bayan. Iginiit ito nitong Martes ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, kung saan ipinunto niya na ang pagsunod sa pananampalataya ay magiging daan sa tunay na pagseserbisyo at mabuting pamamahala.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights, ipinunto ni Padilla na bagama’t nasa 1987 Constitution ang paghiwalay ng Simbahan at Estado, hindi magkakaroon ng makahulugan na serbisyo publiko kung hindi isabuhay ng Pilipino sa kanilang pananampalataya.

“Sana po, isabuhay natin itong paniniwalang ito, pilitin nating isabuhay nating palagi sapagka’t dito mag-uumpisa ang tinatawag nating tunay na serbisyo, ang tunay na good governance, ang tunay na honest-to-goodness na matatawag nating pagseserbisyo sa taumbayan,” ani Padilla.

“Dahil ang pinakamatindi sa lahat ay ang takot at paggalang sa Diyos. At pag meron tayo niyan, meron tayong paggalang sa isa’t isa. Pag nagkaroon po tayo ng paggalang sa isa’t isa ibig sabihin ang pag-unlad ay susunod na po (Because we have a fear of God, we respect one another. If we have this, progress cannot be far behind),” dagdag nito.

Ani Padilla, panimula ng Saligang Batas ang “dasal” kung saan hinihiling ng taumbayan ang tulong ng Diyos upang makabuo ng isang makatarungan at makataong lipunan. Dagdag nito, may takot sa Diyos na ang mga Pilipino bago pa dumating ang mga dayuhan.

Sa pagdinig, hinimok ni Padilla ang mga kinatawan ng Department of Labor and Employment para tiyakin na gagalangin ang karapatan ng mga empleyado na sundan ang turo ng kanilang relihiyon – katulad ng pagtiyak ng prayer rooms para sa mga Muslim na empleyado – imbes na maging dahilan para pagdiskitahan sila.

“Nagkakaroon ng discrimination talaga, yan ang nagiging problema. Sana mapalakas ng inyong opisina. Meron tayong proteksyon sa lahat, ang nangyayari lang, napagdiskitahan,” aniya.

Itinanong din ni Padilla ang posibilidad ng kaparusahan sa mga lalabag sa karapatang mag-practice ng relihiyon. “Siguro po yan ang linawin natin. Ano po ang kaparusahan doon sa mga talipandas na di magrerespeto doon sa pananampalataya ng isang tao?” aniya.