Robin

Robin: Pag-Amyenda sa Economic Provisions ng Konstitusyon, Kailangan Para Ramdam ang Public Service Act

226 Views

HINDI ramdam ang kaginhawaang pangako ng Public Services Act isang taon na ang nakaraan – at hindi ito mararamdaman lalo na kung hindi maremedyuhan ang pagiging sobrang higpit ng economic provisions ng Saligang Batas, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ngayong Martes.

Ani Padilla, bukod sa wala pa ring implementing rules and regulations ang Public Service Act, kinukwestyon ng ilang grupo ang pagiging constitutional nito.

“Paano natin ibebenta sa foreign investor na meron kaming na itong public utility pwede na kayong mag-invest dito? E 1 year na, wala pang IRR. Kinukwestyon pa ng maraming nagrereklamo at sinasabi nila na unconstitutional ito. Kung ikaw ba, investor ka, makita mo gusto ko mag-invest sa public utility na yan at nabalitaan mo, teka may nagkukuwestyon, magbibigay ka ng pera?” ayon kay Padilla sa panayam sa DZRH.

Nagsimula na rin si Padilla na maglatag ng timetable para sa pagbago ng economic provisions ng ating Saligang Batas, kung saan target niyang isabay ang plebisito nito sa darating na barangay elections sa Oktubre.

Ani Padilla, tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, nais niyang mapabilis ang proseso sa pamamagitan ng Constituent Assembly – at hindi kasama sa usapan ang political provisions.

“Dapat mag-committee hearing muna. Ini-schedule namin ito kaagad. Dapat mga June po (matapos ang hearings). Kasi sa Saligang Batas sinasabi po doon, mangyari po ang ating pag-ratify ang plebisito sabi po doon hindi aaga ng 60 days. Hindi rin sosobra ng 90 days. So meron lang po tayong maiksing maiksi para makasabay tayo sa barangay election para makatipid tayo,” ayon sa mambabatas.

Nais din ni Padilla na pagdating ng Agosto, matapos na ang pagtalakay sa bicameral level, at maihabol ang plebisito para sumabay sa barangay election sa Oktubre 30. Iginiit niya na hindi siya papayag sa constitutional convention na mas magastos at maaari pang mabuksan ang political provisions.

Ayon kay Padilla, hindi siya nababagabag na kukulangin siya ng suporta sa Senado dahil nagsulong na ng pagbago ng economic provision noong 18th Congress si Sen. Ronald dela Rosa. Sa 19th Congress naman ay nagsulong nito si Sen. Sherwin Gatchalian.

Ipinunto rin ni Padilla na hindi siya nagtatampo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong sinabi niyang hindi niya prayoridad ang pagbago ng probisyon sa Saligang Batas – dahil hindi naman mandato ng Pangulo na isulong ang pagbabago ng Konstitusyon.

“Pag titingnan po natin ang dati niyang interview noong siya po ay mambabatas, naniniwala siya noon na kailangan ay ng ating economic provisions sa Saligang Batas kailangan magbukas tayo sa foreign investment. Pero siyempre presidente siya, wala na yan sa mandato niya, tama lang po yan,” aniya.

“At yan naman pong pina-prayoridad niyang panukala nasa batas natin yan, dapat gawin niya yan ang inaakala niya na dapat maisulong na batas na makatulong sa kanya para mapaganda ang bansa natin, dapat lang po. Pero pagdating sa Saligang Batas, I’m sorry Mr. President, wala po ito hindi nyo po ito pwede saklawan. Ang masusunod dito taumbayan. Sila magdedesisyon ito bang economic provision na sinusulong dito ay dapat bang tanggapin o hindi. Wala ito sa kapangyarihan ng Pangulo,” dagdag ni Padilla.

Muling ipinunto ni Padilla na kailangang baguhin ang economic provision sa Saligang Batas para pumasok ang foreign investment – at magkaroon ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Iginiit niya na inamin ng ilan sa mga humubog ng 1987 Constitution na minadali ang paggawa nito, kaya naging restrictive ang probisyon nito.

“Galing tayo sa People Power, isarado natin itong foreign investment na ito, gawin nating para sa Pilipino lahat. Aba napakaganda. Tunay na napakaganda, noong panahon na yan. 1987 po yan, mga mahal kong kaibigan. 2023 na po. Ang tanong, meron bang nagawa ang paghihigpit na yan para sa ating ekonomiya? Wala po. Kasi ang nakalagay doon 60-40,” aniya.

Ngayong panahon ng globalization kung saan sumali ang Pilipinas sa maraming international trade agreement, nguni’t restricted naman ng Saligang Batas ang pagpasok ng mga foreign investor.

“Hindi po tayo dapat nagtitiis. Wala po dapat yan sa ating kalamnan na ang itong paghihirap na ito titiisin natin at tayo nagmamakaawa, uutang – palagi yan ang ating gobyerno tumatakbo na lang sa utang. Kaya sana mga mahal kong kababayan itong mga economic provision na ito maisagawa natin dahil ito ginawa ng kapitbahay natin sa Asya at sila masigabo na, itong pagbubukas natin ng Foreign Direct Investments,” dagdag niya.