Calendar
Robin sa DepEd, DOH: Tiyakin kalusugan ng mag-aaral sa pasukan
TIYAKIN ang kalusugan ng mga bata sa face-to-face na pasukan, lalo na’t nariyan pa ang banta hindi lang ng COVID-19 kundi pati ng dengue at ibang sakit sa tag-ulan.
Ito ang panawagan ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) tatlong araw bago magsimula ang face-to-face learning.
“Pasukan na ito, ang usapin hindi lang patungkol lang sa edukasyon (kung hindi) yung safety ng ating mga mag-aaral,” ani Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education.
Ani Padilla, bagama’t may protocols na ang DOH sa COVID, kailangan pa ring maging proactive sa pamamagitan ng pagtatalaga ng back-up plans.
Ipinunto ng mambabatas ang nangyari sa Senado, kung saan may mga protocols nang sinusundan pero marami pa ring natamaan ng Covid na senador at empleyado.
“Dito sa Senado, lahat may sinusunod na protocol. Natamaan pa rin kami. Ang tanong ko, anong backup plan? Halimbawa dumami ang kaso, tayo ba babalik sa online?,” wika niya.
Bilang tugon, pinaliwanag ni Revsee Escobedo, DepEd Undersecretary for Field Operations, na may plano sila kung saan kung karamihan sa mag-aaral ay na-expose, agad magkakaroon ng blended learning system.
Dagdag ni Escobedo, ang mga guro ay pinapaalalahanan na dapat tiyakin ang kalusugan ng bata.
Samantala, humingi si Padilla ng katiyakan na tuloy na nilalabanan ng DepEd ang katiwalian sa pamamagitan ng anti-corruption committee.
“Noong nakaraang administrasyon, nagtayo ng anti-corruption committee ang DepEd. Kumusta na ito? Ito ba ipapatuloy pa rin, ito ba nandiyan pa?,”tanong ito.
Tugon ni DepEd Undersecretary Epimaco Densing III na balak nilang i-revive ito at paigtingin. “Balak naming ipagpatuloy ito,” aniya.