Louis Biraogo

Robredo nilalayasan ng mga nagpopondo

428 Views

HINDI natin maitatanggi na ang halalan sa Pilipinas ay isang napakagastos na proseso na kailangang sumailalim ang lahat ng mga nangangarap mamuno sa pamahalaan. Hindi na rin maipagtataka kung ang pinakamagastos ay ang pagtakbo sa pagkapangulo.

Maaari nating sabihin na hindi sapat ang buong kayamanan ng iisang tao lamang. Kaya, maraming mga negosyante, malaki o maliit, ang nakikilahok sa kampanya ng isang kandidato sa pamamagitan ng pagpopondo o pag-aambag sa gastusin.

Ano naman kaya ang layunin ng mga negosyanteng nagpopondo ng mga tumatakbong kandidato? Marami sa mga gayong negosyante ay naghahangad na mabigyan ng pabor o tulong sa kani-kanilang mga negosyo. Meron din namang nagpopondo upang maiwasang mapag-initan ng mga naluluklok sa mga makapangyarihang puwesto.

Maraming gastusin ang isang kampanya. Nangunguna sa mga gastusin ang patalastas na inihayag sa radyo, telebisyon at panglipunang midya (social media). Sumunod dito ay ang mga patalastas na pinapaskil; patalastas na babasahin; rekwerdo tulad ng t-shirt, pamaypay, at iba pa.

Malaki din ang pondong kailangang igugol sa pag-ikot ng mga kandidato, kasama ang mga iilang taga-sunod, sa kinaroroonan ng mga botante upang makahalubilo ang mga ito.

Kasama din sa mga gastusin ng isang kandidato ang pagpapasuweldo ng mga namamahala at nagpapatakbo ng kampanya. Kahit na marami ang nagboboluntaryo na mga tagasunod ng isang kandidato na nagtatrabaho ng hindi nagpapabayad, sila’y nakakatanggap pa rin ng di-kalakihang halaga bilang kapalit ng nagasgastos nila sa pamasahe, pagkain at iba pang gastusin.

Ngunit, ang mahalagang pinaghahandaan ng isang kandidato ay ang gastusin sa araw ng halalan mismo. Sa araw na ito, kinakailangang mayroong mga pinapakilos na mga tagabantay ng balota sa bawat presinto ng halalan.

Ang mga tagabantay ng balota ay sumasailalim sa mahabang proseso ng pagsasanay kung saan inaalam nila ng mabuti ang samu’t saring pamamaraan ng pandadaya at papaano ito mapigilan.

Ang kawalan ng mga tagabantay ng balota ay maaaring magdulot ng kawalan ng iilang porsyento ng boto para sa isang kandidato dahil sa mga nangyayaring pandaraya.

Ang lahat ng ginastos mula sa simula ng kampanya ay maaaring masayang lamang dahil hindi nakapagpakilos ng mga tagabantay ng balota at sakaling may nangyaring pandaraya na naging sanhi ng pagkapanalo ng katunggali.

Madalas ang pera na pumasok sa isang kampanya galing sa mga nagpopondo ay ibinubuhos ng lubos sa mga napiling taktika upang tumaas ang antas sa mga pananaliksik sa pulso ng mga botante (voters’ preference survey). Kung mataas ang nakukuha ng isang kandidato sa mga gayong pananliksik, lalong dumadami ang pondong pumasok at patuloy ang pagpapalakas ng pangangampanya.

Kaya maiintindihan natin ang kalagayan ng pangangampanya ni Robredo, kandidato sa pagkapangulo sa darating na halalan ng 2022. At dahil palagi na lang ito nasa malayong ikalawang antas sa mga ginagawang pananaliksik sa pulso ng mga botante, maraming nagsasabi na nilalayasan na ito ng mga nagpopondo at lumilipat ng pagpondo sa kampo ni dating Senador Bong Bong Marcos (BBM), ang nangungunang kandidato sa pagkapangulo.

Binuhusan ng katakot-takot na pondo ng kampo ni Robredo ang pag-ayos ng mga pagtitipon-tipong pangpulitika (political rallies) na ginawa sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas upang ipadama sa lahat ang maaaring tagumpay nito sa darating na halalan. Kaya lang, nabisto ni Kong. Boying Remulla, kongresista ng lalawigan ng Kabite, na ang mga ginagawang patitipon-tipong pangpulitika ni Robredo ay dinadaluhan ng mga bayarang hakot na mga kalahok.

Makikita natin na kung idaan sa isang pagsusuri ng gastos sa benepisyo (cost benefit analysis) ang ginagawang pagtitipon-tipong pangpulitika na dinadaluhan ng mga hinakot at bayarang kalahok, hindi mabisa ang ginagawang pangangampanya ng kampo ni Robredo.

Kung susuriin naman natin sa ibang angulo, mahina ang pagtatasa ng balik (rate of return) ng pamumuhunan ng pangangampanya ni Robredo. Hindi nasusulit ang ginagastos na pondo kung ihambing sa nakukuhang boto.

Kaya, kung isasailalim natin sa mga batayang ito:

1. Malayong pangalawa sa mga ginagawang pananaliksik sa pulso ng mga botante, hanggang 20%, humigit’ kumulang;

2. Hindi mabisa ang ginagawang kampanya ayon sa pagsusuring gastos at benepisyo; at,

3. Hindi mabisa ang ginagawang kampanya ayon sa pagsusuring pagtatasa ng balik ng pamumuhunan,

Ang mga nagpopondo ay nagsilayasan na dahil wala silang nakikitang maaaring tutubuin ng kanilang pinagkakagastusan. Tandaan natin na marami, kundi lahat, ng mga nagpopondo ng kampanya ay mga negosyante.

Dahil ang kampanya ng kampo ni Robredo ay natutuyuan na ng pondo, napabalita na nagsasara ang mga punong-tanggapan nito sa mga iilang probinsiya.

Nakikita ko na wala na ring matitirang pondo ang kampo ni Robredo para sa pagpapakilos ng mga taga-bantay ng boto. Tandaan natin na ang mga tagabantay ng boto ay dumadaan sa pagsasanay sa kanilang magiging tungkulin sa araw ng halalan. Saan sila ngayong magtitipon-tipon at magsasanay kung nagsarahan na ang mga punong-tanggapan ng kampo ni Robredo?

Nakikita ko din na kung hindi maagapan ng kampo ni Robredo ang mga nangyayaring biglang paghina ng kampanya nito, ay maaaring tumihaya na lang ang kampanya ni Robredo at tuluyang mawalan ng buhay. Tsk. . . .tsk. . . . .