Louis Biraogo

Robredo pinakamahusay na nangangampanya kay BBM

545 Views
BBM
Presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Cebu City.
Kuha ni VER NOVENO

NOONG 2016, pagkatapos nahalal si Leni Robredo bilang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas, sinimulan agad niya, at ng Partido Liberal (PL), ang pagbabatikos sa pamahalaan na pinamumunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Inaasahang hindi makatapos ng nakatakdang panahon sa panunungkulan si Duterte dulot ng samu’t saring kadahilanan, kasali na dito ang katandaan at mga karamdaman sa kanyang kalusugan. At kung sakali ngang makatapos ng nakatakdang panahon sa panunungkulan si Duterte, inasahan din na siya’y papalpak dulot ng mga kontrobersyal at kakaibang mga patakaran at programa.

Pinuna at binatikos ni Robredo ang halos lahat ng mga patakaran at programa ni Duterte, lalong lalo na ang digmaan laban sa droga at ang pagpapalibing kay yumaong dating Pangulong Ferdinand E. Marcos (FM) sa libingan ng mga bayani.

Hindi inakala ni Robredo, at ng dilawang kampon nito, na ang mga patakaran at mga programa ni Duterte ay lubos na nagustuhan ng taumbayan, kaya lalong napamahal sa kanila ang Pangulo kahit na ito’y laging pinapaulanan nila Robredo ng masasaklap na pagbabatikos at maaanghang na pagpuna.

Kaya nang dumating ang halalan noong 2019, lahat ng mga kandidato ng Partido Liberal sa pagka-senador ay natalo. Kabilang sa mga natalo si dating Senador Bam Aquino, kasapi ng angkang pampulitika na namumuno sa hanay ng dilaw.

Sa halalan noon 2019, nanalo si Imee Marcos, kapatid ni dating Senador Bong Bong Marcos na katunggali ni Robredo sa pagkapangulo sa darating na halalan ngayong Mayo, 2022.

Sa mga panahong ito, nagbabala na ang taumbayan hinggil sa pamunuan ng mga dilaw. Sinusuka na nila ang mapanlinlang at mapagmanipulang pamumulitika ng mga dilawan.

Ngunit, tuloy pa rin ang pagiging palakontra at palapuna ni Robredo sa Pangulo at lahat ng mga ginagawa nito. Nagaasam-asam pa rin si Robredo na matalisod si Duterte at bumuwelta ang suwerte papunta sa nalalanta nilang puwersa.

Nang nagkaroon ng pandemya simula noong 2020, laking tuwa ni Robredo at ng kanyang dilawang kampon dahil mukhang dumating na ang pagkakataon na hinihintay nila. Dahil sa kahirapang dulot ng pandemya, inaasahang madismaya ang taumbayan sa pamunuan ni Duterte at lilipat ang ihip ng hanging pampulitika tungo kay Robredo at mga dilawan.

Ngunit, hindi nangyari ang inaasahang pagkadismaya ng taumbayan kay Duterte at nang pagbagsak ng katanyagan nito. Humupa ng bahagya ang lakas ng katanyagan ni Duterte sa kalagitnaan ng krisis dulot ng pandemya, ngunit sumikad naman kalaunan sa dating katayuan.

Kalagitnaan ng taong 2021, nang papalapit na ang panahon ng kampanya para sa halalan ng taong 2022, gumawa ng pag-aaral ang kampo ni Robredo upang suriin ang pagkakataong manalo sa darating na halalan. Hindi nakapagtataka na ayon sa naging resulta ng pagsusuri, malaking hadlang ang pagiging dilawan ni Robredo sa hinahanap na tagumpay sa parating na halalan.

Kaya nagpasyahan na magpalit ng imahe o tatak (rebranding) ang mga dilaw. Pinalitan ng kulay rosas ang kulay dilaw at ginawang bulaklak na rosas ang sagisag ng kampo nito. Ng tumakbo sa pagkapangulo, naging independiyente si Robredo kahit na siya’y tagapangulo ng Partido Liberal. Ngunit, lahat ng mga nakapaligid sa kanya, kasama na dito si Senador Kiko Pangilinan, na naging katambal niya sa pagtakbo; at ang dating Senador Bam Aquino, na naging tagapamahala ng kampanya ni Robredo, ay kilalang mga dilawan.

Nang nagsimula na ang kampanya, bumanat kaagad ng paninira si Robredo laban kay BBM upang madaliang isapuwesto sa kalagayang pagtatanggol o depensa si BBM.

Hindi pinatulan ni BBM ang gayong paninira at hinayaan na lang si Robredo na umalingawngaw na parang sirang plaka at walang sawang pinakikinggan ng paulit-ulit ng mga kapwa dilawan/pinklawan.

Nagdaan ang iilang mga pananaliksik sa pulso ng botante (voters’ preference survey) at ipinakita na hindi umuusad si Robredo sa kinalalagyan nitong ikalawang antas, malayong pumapailalim sa nangunguna, at pinatatamaan ng walang humpay na paninira, na si BBM.

Kalagitnaan ng Abril, wala ng isang buwan bago ang halalan, napagpasiyahan na naman ng kampo ni Robredo na baguhin ang imahe o tatak ng pambato nila. Ang sagisag na bulaklak na rosas ay nagkaroon ng iba pang mga kulay na hango sa kulay ng watawat ng Pilipinas; at nagkaroon din ng imahe ng tatlong bituin at araw, na hango din sa ating watawat.

Ngunit, kahit gaano kagaling ng kampanya, kahit gaano kaakit-akit ng kulay, kahit gaano kalakas ang dating ng sagisag, at, kahit gaano kahimig ang temang kanta ng kampanya; hindi nito mapapabuti ang isang hindi kinagigiliwan at hindi tinatanggap ng mga botante.

Sa puntong ito, wala ng magagawa ang isang kampanya upang mapalapit at iboto si Robredo ng mga botante.

Sa aking pananaw, si Robredo ang pinakamahusay at pinakamabisang nangangampanya para kay BBM.

Dahil sa panghuhusga, pagmamaliit, pambabatikos, at panglalait nito kay BBM, lalong tinataboy ni Robredo ang botante palayo sa kanya at papunta naman kay BBM.

Nakalubog si Robredo sa putikan ng mga dilawan kaya nakakadismaya na wala na itong ginawa kundi pagmataasan ang kapwa. Tuloy, kapwa dilawan na lang ang nasisiyahan sa estilo ng pangangampanya ni Robredo, at kaya hindi umuusad ang antas nito sa mga pananaliksik sa pulso ng botante.

Hindi dapat rosas ang simbolo o tatak ni Robredo. Dapat gawing bituin ang simbolo o tatak ni Robredo dahil siya ang “superstar”, bilang pinakamahusay at pinakamabisa, na nangangampanya kay BBM.