Calendar
Rodriguez: BBM palalakasin ugnayan ng PH sa Japan
TULUYAN ng kinilala ng bansang Hapon ang tagumpay ni president-in-waiting Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos kaugnay ng katatapos lang na halalan nitong Mayo 9, matapos itong magpahayag ng suporta para sa kanya.
Ayon sa ulat ng Jiji Press, sinabi ni Chief Cabinet Secretary Hirokazu Matzuno na ipagpapatuloy ng bansang Hapon ang magandang ugnayan ng kanilang bansa sa Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni Marcos.
“We will further strengthen our relations with the Philippines, an important strategic partner in the region,” sabi ni Matzuno.
Sinabi rin niya na inaasahan na ang panalo ni Marcos matapos makatanggap ng ulat na umabot sa 31, 078, 160 boto na ang nakukuha niyang boto, kung saan ay nagtala rin siya ng mahigit 16 milyon kalamangan laban sa kanyang pinamalapit na karibal na si Leni Robredo.
Base sa datos hangga ngayong araw, nananatiling nangunguna si Marcos sa kanyang katunggali na may 16, 268, 659 na kalamangan base sa election returns mula sa Comelec transparency server.
Para kay Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at spokesperson ni Marcos, malugod nilang tinatanggap ang pahayag ng pamahalaan ng Japan at sinigurong ang papasok na administrasyon ni Marcos ay patuloy na magtatrabaho at mas palalakasin pa ang bilateral at diplomatic na ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.
“We would like to thank the government of Japan for its continued and unwavering support to our beloved country. We are supremely optimistic that the next six years under the Marcos presidency will see a more vigorous and vibrant partnership between our two countries,” sabi ni Rodriguez.
Sa oras na maproklama, si Marcos ang unang majority president ng bansa sa ilalim ng multi-party system matapos makakuha ng mahigit kalahati ng 55 milyong Pilipino na bumoto nitong Mayo 9.
Ang ugnayan ng Pilipinas at Japan ay nagsimula noon pang 16th century.
Nakatakdang ipagdiwang ng dalawang bansa ang kanilang ika-66 na anibersaryo ng pagkaibigan, pagkakaisa, tiwala at pag-unawa sa isa’t isa.
Nagtulong din ang dalawang bansa sa pagsugpo sa Covid19 kung saan malaking suporta ang natanggap ng Pilipinas sa bansang Hapon.
Tumutulong din ang pamahalaan ng Japan sa “Build Build Build” program ng bansa sa tulong ng public at private sector engagement.
Kamakailan ay natupad din ng Japan ang pangako nitong P476-B na tulong pinansiyal para sa susunod na limang taon.