BSP Source: PNA

Rodriguez nanawagan: Epekto ng malakas na piso sa OFW, patakaran ng BSP suriin

23 Views

NANAWAGAN si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa epekto ng malakas na halaga ng piso sa milyun-milyong overseas Filipino workers (OFWs) at iba pang sektor ng ekonomiya.

Isinampa ni Rodriguez ang House Resolution No. 2318 nitong Huwebes, na layuning suriin din ang kasalukuyang mga patakaran sa pananalapi at palitan ng salapi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa kasalukuyan, ang palitan ng piso laban sa dolyar ay nasa ₱55.66 kada US dollar, mas mababa kaysa sa dating ₱57–₱58 kada dolyar.

Epekto sa OFWs, eksportasyon at industriya

Ayon kay Rodriguez, maraming ekonomista ang nagsabing ang paglakas ng piso ay nakasasama sa kakayahang makipagkumpetensiya ng bansa sa eksportasyon, pati na rin sa kita ng mga pamilya ng OFWs. Mas mahal ang mga produktong inaangkat mula sa Pilipinas, at mas mura naman ang mga inaangkat papasok sa bansa—na maaaring magdulot ng kalugihan sa kalakalan at kawalan ng balanse sa ekonomiya.

“Kapag tumaas ang halaga ng piso, bumababa ang katumbas nito sa remittance ng mga OFW, kaya lumiliit ang tunay na halaga ng perang ipinadadala nila sa kanilang pamilya. Nababawasan ang kakayahang bumili ng kanilang mga mahal sa buhay, at naapektuhan din ang lokal na konsumo—isang mahalagang tagapagpaikot ng ekonomiya,” paliwanag niya.

Idinagdag pa niya na ang Business Process Outsourcing (BPO) sector, na malaking pinagkukunan ng trabaho at dolyar para sa bansa, ay nahihirapan sa mas mataas na operating costs at pagbaba ng pagiging kompetitibo dahil sa malakas na piso.

Pati ang mga eksporters at lokal na manufacturer ay nalulugi, dahil nagiging mas mahal ang kanilang produkto sa pandaigdigang merkado, na posibleng magbunga ng pagbaba ng demand at pagkawala ng trabaho.

Pagsusuri sa patakaran ng BSP

Binigyang-diin ni Rodriguez ang pangangailangang suriin ang exchange rate policy ng BSP at pag-aralan kung maaari bang gamitin ang mga hakbang gaya ng “capital controls” na nakasaad sa Section 72 ng Republic Act No. 7653 o New Central Bank Act upang bawasan ang negatibong epekto ng malakas na piso at patatagin ang ekonomiya.

Imbestigasyon ng iba’t ibang komite

Iminungkahi niya na ang komite sa mga bangko at financial intermediaries, komite sa usaping pang-ekonomiya, komite sa mga OFW, komite sa kalakalan at industriya, at komite sa ICT ang magsagawa ng naturang pagdinig.

Layunin nito, aniya, na makabuo ng mga rekomendasyon sa polisiya na magtataguyod ng katatagang pang-ekonomiya, proteksyon sa mga apektadong sektor, at inklusibong pag-unlad.