DU30 Tinatanong ni Quad Committee co-chair (Public Order and Safety) at Laguna Rep. Dan Fernandez (kanan) si dating Pangulong asks questions to Rodrigo Roa Duterte (kaliwa) sa pagdinig ng Quad Committee sa People’s Center sa Kamara de Representantes Miyerkules ng hapon. Kuha ni VER NOVENO

Rody walang alam sa pulis na sinibak sa pagpapatupad ng drug war

Mar Rodriguez Nov 13, 2024
72 Views

INAMIN ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagdinig ng House Quad Comm na hindi niya alam ang bilang ng mga pulis na tinanggal o kinasuhan dahil sa pagpapatupad ng kanyang marahas na drug war campaign na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong Pilipino.

Matagal ng sinasabi ni Duterte na poprotektahan nito ang mga pulis na susunod sa kanyang utos pero ngayon lang ito nag-alok ng tulong sa mga pulis na nawalan ng trabaho, dangal, at kabuhayan bilang tugon sa sinabi ni Quad Comm co-chair at Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez.

“I was not asked even for a minute,” ayon kay Duterte ng tanungin ni Fernandez kung alam nito ang mga pulis na sinibak.

“I will start a fund sa protection ng mga pulis… meron akong P1 million… I’ll start raising fund para tulungan ang mga pulis and I will personally appear in court ako mismo ang mag-defend sa kanila,” sabi ni Duterte.

Hindi inaasahan ni Fernandez ang alok na tulong, lalo na’t una ng sinabi ng dating pangulo na wala siyang pamasahe para dumalo sa mga pagdinig.

“Two days ago you have mentioned that wala po kayong pamasahe dito and I’m pretty shocked na meron po kayong P1 million on your account to help our policemen,” ayon kay Fernandez.

Binanggit ni Fernandez ang lawak ng epekto nito sa police force na aniya’y, “195 officers na po yung na-dismissed. Nasira po ang kanilang buhay, nawalan po sila ng trabaho, they were humiliated, their dignity was lost.”

Ipinunto ni Fernandez na hindi nabigyan ng sapat na pansin ni Duterte ang kalagayan ng mga pulis, sa kabila ng pagbibigay ng kasiguraduhan sa mga law enforcers na siya ang mananagot para sa kanilang mga aksyon sa kanyang drug war.

Inamin ni Duterte na hindi niya alam ang tungkol sa mga pagkakatanggal ng mga pulis na sinabing, “I don’t have the record… so hindi ko alam yan.”

“If you’re citing the records, then I would admit it totoo yan. Walang problema, sinabi mo eh,” ayon kay Duterte.

Inusisa din nFernandez si Duterte kung bakit niya pinabayaan ang mga pulis na ito, sa kabila ng kanyang mga naunang pangako na ‘aalagaan’ sila.

“But my question is bakit po natin sila napabayaan sabi nyo po sagot nyo sila?” Tanong ni Fernandez.

Sumagot si Duterte na ang pagiging isang pulis ay hindi nangangahulugang nang wala na silang pananagutan.

“If you work for the government, there are rules to be followed. It is not just because you are a policeman that you are always correct,” sagot nito, na ipinasa ang responsibilidad pabalik sa mga opisyal.

Nang ipaalala ni Fernandez kay Duterte ang kanyang pangako na tutulong sa mga pulis habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, tinangka ni Duterte na ipagtanggol ang sarili sa pamamagitan ng pagsasabing tumulong siya sa mga pamilya ng pulis sa ibang paraan, tulad ng pagbibigay ng bigas at tulong pinansyal.

“Walang rekord na bigas pati pera na binigay ko sa pamilya nila,” giit nito.

Ang anti-drug war ni Duterte ay nagresulta sa libo-libong pagkamatay ng mga sinasabing extrajudicial killings ng mga pinaghihinalaang drug offenders, dahilan sa pagkondena mula sa mga international human rights organizations at sa International Criminal Court (ICC).