Suspek

Rolex ninakaw, binenta sa may-ari, babaeng suspek huli

130 Views

HINDI sukat akalain ng isang 41-anyos na babae na ang mismong may-ari ng relo na nagkakahalaga ng ₱1.28 milyon ang makakatransaksiyon niya matapos niyang ibenta online ang relo na ninakaw umano sa bahay ng biktima sa Quezon City.

Ayon sa Kamuning Police Station 10 (PS10), naaresto ang suspek dakong alas-7:20 ng gabi noong Oktubre 18 sa isang cofee shop , sa kanto ng Tomas Morato at Timog Avenue, Barangay South Triangle.

Sa ulat ng pulisya, namataan ng complainant sa Facebook Marketplace ang relo na umano’y kapareho ng Rolex na naiulat na ninakaw mula sa kaniyang bahay.

Nakipagkita ang complainant sa nagbebenta upang beripikahin ang relo. Nang suriin ang serial number nito, tumugma umano ito sa impormasyong nasa Rolex identification card ng complainant.

Dito na inaresto ng mga pulis ang babae at nakumpiska ang isang two-tone Rolex Oyster Perpetual Datejust na may diyamante at tinatayang nagkakahalaga ng ₱1.28 milyon.

Iniimbestigahan ang suspek kaugnay ng posibleng paglabag sa Presidential Decree No. 1612 o Anti-Fencing Law.