Romero

Romero ikinagalak ang pagsasabatas ng EBET Law

Mar Rodriguez Nov 12, 2024
81 Views

IKINAGALAK ng Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation na si 1-PACMAN Party List Rep. Michael ‘Mikee” L. Romero, Ph.D., ang paglagda ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa Enterprise-Based Education and Training (EBET) Law na inaasahang makakatulong ng malaki upang mabawasan ang mga Pilipinong walang trabaho partikular na ang mga mahihirap na mamamayan.

Optimistiko si Romero na sa tulong ng mga pribadong sektor gaya ng mga pribadong kompanya ay unti-unting mababawasan ang nararanasang kahirapan ng ilang mamamayan dulot ng kawalan ng trabahong mapapasukan.

Ayon kay Romero, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang unemployment rate ng bansa sa 3.7 porsiyento noong nakaraang Setyembre mula sa apat na porsiyento noong Agosto at 4.5 porsiyento noong Setyembre 2023.

Naniniwala din ang kongresista na malaki ang maitutulong ng naturang bagong batas upang matugunan nito ang job-skills mismatch at ang kawalan ng mga manggagawa na kailangan ng iba’t-ibang industriya.

Sa ilalim ng EBET Law, ang mga manggagawa na maaaring pumasok sa EBET program ay ang mga bagong pasok sa labor force at ang mga nais na sumailalim sa pagsasanay upang makakuha ng bagong kakayanan at matuto sa pagnenegosyo.

Sabi pa ni Romero na sinusuportahan nito ang mga panukalang batas at mga bagong batas na makakatulong upang maibsan ang kahirapan (poverty) bilang pagtalima sa kaniyang adbokasiya na labanan ang karukhaan sa bansa.