Romero1

Romero iminungkahi pagtatag ng Dep’t of Sports

Mar Rodriguez Nov 25, 2022
191 Views

DAHIL nahihirapan ang Philippine Sport Commission (PSC) na magampanan ang kanilang mandato o tungkulin sa pamamagitan ng pagpapa-unlad at pagpapayabong sa iba’t-ibang larangan ng sports sa bansa. Iminungkahi ngayon ng 1-PACMAN Party List Group sa Kamara de Representantes ang pagtatatag ng Department of Sports (DOS).

Isinulong ni 1-PACMAN Party List. Cong. Michael L. “Mikee” Romero ang House Bill No. 335 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na naglalayong itatag ang Department of Sports (DOS) na tunay na mangangalaga sa interes at kagalingan o welfare ng mga sports athletes.

Ipinaliwanag ni Romero na mula ng itatag ang PSC noong 1990, sa bisa ng Republic Act No. 6847 o mas kilala bilang Philippine Sports Commission Act. Hindi aniya masyadong nagagampanan ng PSC ang kanilang mandato para mangalaga sa interes ng Philippine sports.

Binigyang diin ni Romero na ang mga Pilipinong Atleta ay maituturing na isa sa mga tinatawag na “neglected sector” ng Lipunan dahil narin sa kawalan ng suporta mula sa PSC at ang kabiguan nilang mapagyabong o mapaunlad ang iba’t-ibang aspeto ng sports.

Sinabi pa ni Romero na ang mga usaping tulad nito ay dahil hindi masyadong natututukan ng PSC ang mga nasabing problema. Kung saan, bigo din ang nasabing ahensiya na makapag-balangkas ng mga polisiya at makapagtakda ng mga priorities para sa direksiyong kailangang tahakin ng national amateur sports promotion kabilang na ang development nito.

Ayon sa kongresista, kalunos-lunos ang kasalukuyang kalagayan ng Philippine sports para sa mga Atleta at coaches. Ibang-iba, kumpara noong panahon ng pamamayagpag ni boxing champ Mansueto “Onyok” Velasco na nagwagi ng silver medal noong 1996 Atlanta Olympics at iba pang kampeon sa sports.

“Considering the dull state of Philippine sports, there is much to be desired for the betterment of the sports for the benefits of our athletes and coaches. The seeming deterioration of Philippine sports should be addressed there was a time when our athletes are considered serious contenders in any sporting event we participate. Unfortunately, those times has passed,” sabi ni Romero.

Dahil dito, nilalayon ng HB No. 335 na tugunan ang matagal ng problemang kinakaharap ng Philippine sports sa pamamagitan ng pagtatatag ng Department of Sports (DOS) na mangunguna para sa implementasyon ng mga policies, promotion at development ng sports.

Nananawagan din si Romero kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na tulungan ang Philippine sports sa pamamagitan ng pagsuporta sa kaniyang panukala upang maisakatuparan ang pagtatatag ng nasabing ahensiya na mangangalaga sa interes ng Filipino Athletes.

“It is now high time for the government to prioritize sports in the national agenda and consider sports as an integral factor in nation building,” dagdag pa ng mambatas.