Romero

Romero pinasalamatan si PBBM sa pagsasa-batas ng “Eddie Garcia Bill”

Mar Rodriguez May 28, 2024
118 Views

PINASALAMATAN ni 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos lagdaan ng Punong Ehekutibo para maisabatas ang inakda niyang panukala at itinuturing na isang “landmark bill” – ang “Eddie Garcia Bill”.

Sinabi ni Romero, chairman ng House Committee on Poverty Alleviation, na ipinapa-abot nila kay Pangulong Marcos, Jr. ang kanilang taos pusong pasasalamatan kasama na ang mga naulila ng beteranong actor at director na si Eddie “Manoy” Garcia dahil pagbibigay honor ni PBBM sa yumaong actor.

“We would like to express our deep gratitude to the President for honoring the life of Manong Eddie, Manoy to the family and friends and his contributions to the entertainment industry,” sabi ni Romero.

Ayon kay Romero, ang pagsasabatas ng “Eddie Garcia Bill” ay naglalarawan ng pagkilala, pagbibigay parangal at pagpupugay sa mga naging kontribusyon ni Eddie Garcia sa larangan ng pinalakang tabing hindi lamang bilang mahusay na actor. Bagkos, maging isang primyadong director.

Si Romero, step-son ni Eddie Garcia, ang principal author ng nasabing panukala na isang na ngayong ganap na batas sa ilalim ng Republic Act No. 11996 na naglalayong mabigyan ng kaukulang proteksiyon ang mga manggagawa na nasa likod ng camera habang sila’y nasa isang shooting location.

Binigyang diin ng 1-PACMAN Party List solon na ang aksidenteng kinasapitan ni Eddie Garcia at humantong sa kamatayan nito ang nagtulak kay Romero upang bumalangkas ng isang panukalang batas para magkaroon ng ligtas na “workplace” para sa mga nasa entertainment industry.

Sabi pa ni Romero, ang trahedyang nangyari kay Eddie Garcia ang nagtulak o nagbunsod sa kanilang mga kongresista para bumalangkas ng isang panukalang batas na magbibigay ng kaukulang proteksiyon para sa lahat ng mga manggagawa sa movie at television industry.